BINAWIAN ng buhay ang hepe ng pulisya ng bayan ng San Jose, sa lalawigan ng Northern Samar, nang mahiwa ng tari ang kaniyang hita habang inaaresto ang mga suspek sa sinalakay nilang tupada, dakong 1:00 pm nitong Lunes, 26 Oktubre.
Nabatid na naitakbo pa si P/Lt. Christian Bolok, 38 anyos, sa Northern Samar provincial hospital sa bayan ng Catarman, ngunit idineklarang dead on arrival ng mga doktor.
Ayon sa ulat na nakarating sa regional headquarters ng Philippine National Police (PNP) sa bayan ng Palo, sa lalawigan ng Leyte, nagtungo si Bolok kasama ang iba pang pulis sa Barangay Manduyang sa San Jose upang alamin ang sumbong na may nagaganap na tupada.
Sa kanilang pagsalakay, nadakip ng grupo ni Bolok ang tatlo sa mga suspek na nagpapatakbo ng tupada.
Sa gitna ng kaguluhan, nasugatan ng tari ang hita ni Bolok, na bagong talagang hepe, wala pang isang buwan ang nakalilipas.
Matatandaang ipinagbabawal ni Northern Samar Gov. Edwin Ongchuan ang sabong sa kaniyang lalawigan dahil napag-alamang ilan sa mga nagpositibo sa CoVid-19 ay sangkot sa tupada.
Samantala, nabigla si San Jose Mayor Clarence Sato sa biglaang pagkamatay ng hepe ng San Jose police habang nasa tungkulin.
Nakompiska mula sa mga suspek ang pitong tandang na panabong, dalawang set ng tari, at P500 cash.
Kinilala ang mga nadakip na suspek na sina Dioscoro Grande, 46 anyos; Rodolfo Moreno, 65 anyos; at Vicente Medice, 81; habang kinilala ang mga nakatakas na suspek na sina Peter Añonuevo, Junior Romines, at Ren Ren de la Tonga.
Ikinulong ang mga naarestong suspek sa San Jose detention facility at sasampahan ng kasong paglabag sa Presidential Decree No. 449, o Cockfighting Law of 1974.