WALA nang buhay nang matagpuan noong Sabado, 24 Oktubre, ang mga katawan ng magkapatid na nalunod sa ilog sa bayan ng Sta. Maria, sa lalawigan ng Bulacan habang nasa kasagsagan ang ulang dulot ng bagyong Pepito.
Ayon kay Joralyn Terez, ina ng magkapatid, nagkayayaang maligo sa ilog sa Macaiban Bridge ng kaniyang dalawang anak na sina Princess, 12 anyos, at Justin, 10 anyos, kasama ang isa nilang pinsan.
Kasalukuyan aniya siyang nasa trabaho noon kaya hindi niya alam na ang mga anak ay nagpunta sa ilog para maligo.
Dahil malakas ang buhos ng ulan dala ng bagyong Pepito at rumaragasa ang tubig sa ilog, nalunod ang isa sa magkapatid.
“Itong panganay ko, natawagan ‘yung kapatid niya kaya sumunod doon sa ilog. Tapos nakita niya siguro nalulunod na ‘yung kapatid niya, e, gusto niya sagipin. Hindi naman siya marunong lumangoy,” ayon kay Terez.
Hindi na nakayanan ng panganay na sagipin sa pagkalunod ang bunsong kapatid kaya kapwa na sila inanod ng malakas na agos ng tubig.
Tumagal nang dalawang araw ang retrieval operation upang mahanap ang magkapatid na natagpuan ang mga bangkay may isang kilometro ang layo sa lugar kung saan sila nalunod.
MICKA BAUTISTA