ARESTADO ang apat-katao sa ilegal na droga na pinaniniwalaang mga miyembro ng kilabot na sindikatong Robledo Group, kamakalawa ng gabi, 24 Oktubre, sa lungsod ng Marikina.
Kinilala ni P/Col. Restituto Arcangel, hepe ng Marikina PNP, ang mga nadakip na suspek na sina Lester Cortez, 42 anyos; John Clark dela Cruz, 20 anyos; Remart Reyes, 21 anyos; pawang nakatira sa Barangay Tumana, sa lungsod; at isang menor de edad na hawak na ngayon ng DSWD Marikina.
Ayon sa pulisya, dakong 6:00 pm noong Sabado nang naaresto ang mga suspek sa buy bust operation sa #92 J. Del Rosario St., sa nabanggit na barangay.
Nasamsam mula sa mga suspek ang limang transparent plastic sachet ng hinihinalang shabu, siyam na plastic sachet ng marijuana, at isang kalibre .38 revolver at mga bala nito.
Dagdag ni Arcangel, nadakip ang mga suspek batay sa follow-up at buy bust operation na isinasagawa ng mga tauhan ng PNP sa lungsod.
Kasalukuyang nakapiit ang tatlo sa mga suspek sa detention cell ng pulisya habang dinala sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang menor de edad na kasama nilang nadakip.
Sasampahan ng mga kasong paglabag sa RA 10591 at RA 9165 Section 5 at 11 Marikina Prosecutors Office ang mga arestadong suspek.
(EDWIN MORENO)