SA KABILA ng krisis ng bansa dulot ng pandemya, isinusulong ngayon ng ilang negosyante at professional para mamuno sa ating bansa ang Filipino businessman na si Ramon See Ang ang may pinakamalaki at kontrol na conglomerate ng kompanyang San Miguel Corporation at ang Eagle Cement Corporation.
Naniniwala ang ilang negosyante at professional na malulutas ang kahirapan sa bansa kung si Ramon Ang mamumuno ng bansa sa kabila ng gera ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte laban sa mga piling business elite at oligarko.
Si RSA ay itinuturing na 11th richest man sa Filipinas na inilabas nitong Hunyo 2017, ayon sa Forbes data katulad ng ibang tycoons at business families.
Sinabi ni John Raña isang negosyante at dating opisyal ng Philippine National Bank (PNB) at dating Director ng DENR, naniniwala siya na malaki ang magagawa ni Ang para malutas ang problema ng bansa sa kahirapan at kawalan ng trabaho.
Sa katatapos na convenor group ng multi-sectoral group ng ilang negosyante at profession sa Quezon City sinabi ni Raña na hinihikayat nila si Ang para tumakbong Pangulo ng bansa dahil sa kanyang malawak na karanasan sa negosyo at matagumpay sa pagnenegosyo.
Sa rami umano ng mga problema na kinakaharap ng bansa kabilang ang problema sa subersiyon mula sa makakaliwang grupo, kawalan ng hustisya at problema sa ekonomiya, kawalan ng trabaho at korupsiyon, napapanahon umano na ang may malawak na karanasan sa pagnenegosyo ang kailangan ng bansa.
Samantala, kaugnay nito, sinabi ni Pablito Alcover, chairman and president ng Senior Citizens Expanded New Association and Coalition of the Philippine (SCENAC Phils.Inc) lumalakas umano ang pagnanais ng publiko para tumakbong presidente si Ramon Ang dahil sa malawak na karanasan sa pagnenegosyo para mapaunlad ang bansa.
Ayon kay Alcover ang malawak na karanasan ni Ang sa pagnenegosyo ay muling makapagbabangon sa bansa dulot ng pandemyang CoVid-19.