HINIKAYAT ni Senator Christopher “Bong” Go, ang chairperson ng Senate Committee on Health, ang mga lokal na awtoridad at tourism stakeholders na protektahan ang buhay, kaligtasan at kalusugan ng mga mamamayan habang maingat na binabalanse ang pagsusumikap na buksan muli ang ekonomiya sa Boracay Island at tumanggap ng mga turista, sa gitna ng pandemyang CoVid-19.
“Binuksan na po ang Boracay, kaya pakiusap ko lang, sundin po natin ang mga patakaran para maproteksiyonan ang ating kalusugan at ang inyong kabuhayan. Importanteng makabalik tayo sa normal na pamumuhay pero mas importante na maprotektahan ang buhay ng bawat Filipino,” anang Senador.
“Palaging magsuot ng mask at face shield. ‘Wag tayong magkompiyansa, ibinabalanse natin ang lahat, ang ekonomiya at pangkabuhayan natin,” paalala ng senador sa mga residente sa isang video call noong Huwebes, 22 Oktubre, habang namamahagi ng tulong sa mga biktima ng sunog sa Covered Court sa Barangay Manoc-Manoc, Malay, Aklan.
“Uulitin ko, importante po ang buhay ng bawat Filipino. Unti-unti tayong nagbubukas ngunit alagaan natin ang ating kalusugan. Maghugas ng kamay, mag-social distancing. Kung hindi kailangan, ‘wag muna lumabas ng pamamahay,” aniya.
Matatandaang sinimulan na ng Boracay ang pagtanggap muli ng turista noong 1 Oktubre matapos ang ilang buwang pagsasara dahil sa pandemya, na nagresulta sa pagbabawal sa pagbiyahe at pagpapatupad ng quarantine measures.
Kasabay nito, kailangang magpatupad ng mga karampatang pag-iingat upang matiyak na walang hawaan ng virus na magaganap sa isla, kabilang dito ang “test before travel” rule, kaya ang mga bisita ay kailangan magpresenta ng negatibong RT-PCR test result, na kinuha may 48 hanggang 72 oras, bago ang pagbiyahe sa isla.
Nais ng senador na tiyaking ang isla at lahat ng mga residente ay patuloy na ligtas mula sa karamdaman at nabubuhay nang malusog ang pangangatawan habang ipino-promote ang turismo at lokal na industriya.
Samantala, namahagi rin ang grupo ng senador ng tulong sa 300 residente sa isla, na nabiktima ng sunog noong nakaraang taon, at sila ay pinagkalooban ng food packs, masks, at face shields. Ang naturang aktibidad ay isinagawa habang estriktong tumatalima sa kinakailangang health protocols.