IDINEKLARA ng mga lokal na pamahalaan sa mga lalawigan ng Albay, Sorsogon, lungsod ng Naga City sa Camarines Sur, at Oriental Mindoro ang suspensiyon sa trabaho at mga klase sa lahat ng pampubliko at pribadong mga paaralan dahil sa bagyong Quinta (international name: Molave), ngayong Lunes, 26 Oktubre.
Sinabi ni Albay Governor Al Francis Bichara sa kaniyang advisory, kasama sa suspensiyon ang mga online at blended learning sa mga paaralan, at trabaho sa pribado at pampublikong sektor upang mabigyan ng panahon ang mga residente na maisaayos ang mga pinsalang dulot ng bagyo.
Sa lalawigan ng Sorsogon, ipinag-utos din ni Governor Francis “Chiz” Escudero ang suspensiyon ng klase sa lahat ng antas sa pampubliko at pribadong mga paaralan mula 26-27 Oktubre.
Inianunsiyo ni Naga City Mayor Nelson Legacion ang suspensiyon ng mga klase sa lahat ng antas at trabaho sa mga opisina ng gobyerno mula Linggo ng hapon, 25 Oktubre, hanggang Lunes ng hapon.
Kanselado rin sa lungsod ang distribusyon ng mga module para sa mga mag-aaral.
Pinayohan ang mga pribadong establisimiyento na magsara ng 5:00 pm kahapon para matiyak ang kaligtasan ng kanilang mga empleyado.
Samantala, sa inilabas na Executive Order ni Oriental Mindoro Governor Humerlito Dolor, ipinag-utos din ang suspensiyon ng trabaho sa mga tanggapan ng gobyerno at mga pribadong institusyon, maging ang mga klase sa lahat ng antas sa pampubliko at pribadong mga paaralan sa lalawigan, bilang pre-emptive measure sa napipintong pananalanta ng bagyong Quinta.
Inaasahang tatama ang bagyong Quinta sa Oriental Mindoro kagabi hanggang ngayong Lunes, 26 Oktubre.
Binabantayan ng mga awtoridad ang posibleng pag-apaw ng mga ilog ng Bucayao, Longos, at Panggalaan sa lungsod ng Calapan.