MAKATATANGGAP ng dalawang linggong ayuda mula kay Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso ang 400-katao na binubuo ng mga driver ng pedicabs, tricyles, jeepneys, at e-trikes, public market vendors, at empleyado ng malls, hotels, restaurants at supermarkets na nagpositibo sa CoVid-19 sa ikinasang mass swab testing sa lungsod.
Sumailalim sa mass swab testing ang nasa 5,000 katao at natukoy na 400 ang nagpositibo sa CoVid-19.
Ang mass testing ay kaugnay ng ipinalabas na executive order ni Mayor Isko upang protektahan ang nakararaming mamamayan at pigilan ang pagkalat kontra virus.
Nabatid kay Moreno, ang mga nagpositibo ay agad na maaasikaso at kasalukuyang mino-monitor at binibigyan ng atensiyon-medikal.
Kaugnay nito, minabuti nina Mayor Isko, Vice Mayor Honey Lacuna at Manila Health Department chief Dr. Arnold Pangan na magbigay ng ayuda sa mga magpopositibo sa loob ng 14-araw food assistance para sa CoVid positive.
“Hindi marangya, pero hindi magugutom ang pamilya nila,” pahayag ni Moreno sa food assistance na kanilang ipamamahagi kabilang ang isang sakong bigas at grocery items na kasalukuyan nang ipinamamahagi.
Ayon sa alkalde, karamihan sa mga nagpositibo sa mass swab testing ay breadwinners ng kanilang pamilya at nag-aalala kung saan sila kukuha ng pantustos para sa kanilang kakainin sa panahong sila ay ginagamot.
Ikinuwento ni Moreno ang kaso ng isang breadwinner na ginagamot at ang pakikipag-usap ng pasyente sa kanyang ama.
Sinabi ng pasyente sa kanyang ama na huwag nang mag-alala dahil pinadalhan na sila ng pamahalaang lokal ng supply ng pagkain para sa dalawang linggo.
“Gaya ng lagi kong sinasabi, susubukan naming akapin ang mas marami. ‘Pag di na namin kaya, magsasabi kami,” pahayag ng alkalde.
(BRIAN BILASANO)