DINAKIP ang aktibistang nakikipaglaban para sa mga karapatan ng mga katutubo at kababaihan na si Beatrice “Manang Betty” Belen nitong Linggo, 25 Oktubre, sa kaniyang tahanan sa lalawigan ng Kalinga dahil sa bintang na kasong illegal possession of firearms and explosives.
Kasalukuyang nakapiit si Belen sa Kalinga Provincial Police Station sa bayan ng Tabuk matapos salakayin ng mga pulis ang kaniyang tahanan, kabilang ang 11 iba pang bahay, sa mga barangay ng Western Uma at Lower Uma sa bayan ng Lubuagan, sa naturang lalawigan.
Sa ulat noong Agosto 2016 ng lokal na pahayagang Northern Dispatch, nabatid na nauna nang nakatanggap ng pagbabanta mula sa mga elemento ng militar si Belen, kasalukuyang nagsisilbing chairperson ng Innabuyug-Kalinga at dating vice chairperson ng Innabuyug-Gabriela, kapwa women’s rights groups.
Ayon sa mga kaanak ni Belen, pinaghahanap siya noon ng 501st Infantry Brigade.
Napag-alaman din na nagbunsod ang kampanya ni Belen at ng kaniyang grupo para ipatanggal ang military encampment sa Barangay Western Uma dahil sa mga insidente ng sexual harassment at human rights abuse ng mga military.
Kilala si Belen bilang katutubong lider na kumokontra sa iminumungkahing geothermal plant project ng Chevron sa Cordillera bago pa man siya magtrabaho kasama ng Innabuyug-Gabriela noong 2016.
Pahayag ng Innabuyog-Kalinga matapos madakip si Belen, “These unfolding developments are happening just a few days after the [Implementing Rules and Regulation] of the Anti-Terrorism Act was published. We call on all women and men of the Cordillera to push through in defending our liberties and human rights.”