MATAPOS magbabala ang mga eksperto na maaaring umakyat ang bilang ng child marriages kasunod ng pandemya, binigyang diin ni Senador Win Gatchalian na dapat itaas ang kasalukuyang age of sexual consent sa bansa na 12-taon gulang bilang bahagi ng pagsugpo sa isang maituturing na paglabag sa karapatang pantao.
Ang pagpapakasal ng isang menor de edad ay maituturing na child marriage at bagama’t saklaw nito ang parehong lalaki at babae, mas apektado rito ang mga batang babae.
Sa ulat ng Save the Children, maaaring umabot sa dalawa’t kalahating (2.5) milyong batang babae ang nanganganib na mapilitang magpakasal dahil sa mga naging epekto ng pandemya, kabilang ang pagkaantala ng edukasyon at pagbagsak ng ekonomiya.
Noong nakaraang Abril, nagbabala ang United Nations Population Fund o UNFPA na maaaring magdulot ng karagdagang 13 milyong “child marriages” sa susunod na dekada dahil sa mga naging pinsala ng pandemya.
Ayon sa United Nations Children’s Fund o UNICEF, ang Filipinas ang pang-12 sa may pinakamataas na bilang ng child brides sa mundo. Samantala, ang age of sexual consent sa Filipinas na 12 anyos ay pinakamababa sa Asya at pangalawang pinakamababa sa mundo.
Paliwanag ni Gatchalian, ang pag-angat sa age of consent ay makatutulong sa pagsugpo sa mga pang-aabuso at karahasang seksuwal dulot ng child marriages.
Sa kanyang Senate Bill No. 739, ipinanukala ni Gatchalian ang edad na 18-anyos bilang age of consent.
Kamakailan, inapbrohan ng Senado sa ikalawang pagbasa ang isang panukalang batas na layong gawing ilegal ang mga child marriages sa bansa.
Sa parehong Senado at Kamara ay lusot ang panukalang iangat ang age of sexual consent sa edad na 16 anyos.
“Ang mga kabataan ay dapat nag-aaral upang magkaroon sila ng mas magandang kinabukasan. Hindi dapat napuputol ang kanilang mga pangarap dahil napipilitan silang magpakasal at magkaroon ng responsibilidad sa pamilya nang maaga,” ani Gatchalian, Chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture.
“Dahil mas maraming panganib ang kinakaharap ng ating mga kabataan sa gitna ng pandemya, lalo nating dapat paigtingin ang mga hakbang laban sa ano mang uri ng karahasan at pang-aabuso,” dagdag ng senador.
Ayon kay Gatchalian, mahalaga ang pagpapatuloy ng mga programang nagbibigay proteksiyon sa mga kabataan, kabilang ang reproductive health services.
Binigyang-diin din ng mambabatas ang papel ng comprehensive sexuality education lalo na’t lumabas sa ulat ng Annual Poverty Indicators Survey 2017 na para sa mga kababaihang may edad na 6-24 anyos, ang mga usapin ng pamilya at ang pagpapakasal ay pangunahing dahilan ng pagkaantala o hindi pagpapatuloy ng kanilang edukasyon.
(NIÑO ACLAN)