TATLO katao kabilang ang dalawang babae ang namatay, at isa pa ang malubhang nasugatan makaraang pagbabarilin ng hindi kilalang ‘gunman’ habang naglalakad sa eskinita sa Barangay Batasan Hills, Quezon City, nitong Sabado ng gabi.
Kinilala ang mga namatay na biktimang sina Marites Betito, 47, kasambahay; Raquel Madunga, 39, at Jimel Donaire, 23, binata, telecom rigger, pawang residente sa Livelihood St., Talanay Area C, Barangay Batasan Hills QC.
Sa report ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD), dakong 9:14 pm nang maganap ang pamamaril sa eskinita ng Livelihood St., Talanay Area C, sa nasabing Barangay.
Inoobserbahan sa Maclang Hospital ang isa pang biktima na si Arvin Viola, 22, binata, telecom rigger, at residente rin sa nasabing lugar makaraang tamaan ng stray bullets.
Sa pahayag ni Lanie Landero, nasa loob siya ng kanilang tahanan nang makarinig ng sunod-sunod na putok ng baril at sa kanyang paglabas ay bumungad ang mga duguang katawan ng mga biktima.
Naisugod sa East Avenue Medical Center at Qurino Memorial Medical Center sina Berito, Madunga, at Donaire subalit idineklarang dead-on-arrival sanhi ng mga tama ng bala ng hindi pa batid na kalibre ng baril sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Masusing nagsasagawa ng imbestigasyon ang mga awtoridad sa motibo ng naganap na krimen upang makilala ang mga tumakas na suspek.
(ALMAR DANGUILAN)