MULING nanawagan si Senate committee on health chairman Senator Christopher “Bong” Go sa pamahalaan na dapat masiguro ang availability, affordability, at accessibility ng CoVid-19 vaccine oras na maging available na ito sa merkado.
Kasabay nito, umapela si Go sa sambayanan na para maiwasang lalong malunod ang bansa sa dami ng CoVid-19 positive ay mas maiging makiisa sa pamahalaan sa mga hakbang nito para mapigilan ang pagkalat ng virus.
Sinabi ni Go, kailangang mapatigil ang pagkilos ng hindi nakikitang kalaban hanggang magkaroon ng bakuna laban dito at habang ginagawa ito ay dapat lang na hindi din bumagsak ang health care system ng bansa.
Ayon kay Go, totoong napakahirap ng buhay ngayon pero prayoridad ngayon ang matigil ang pagkalat ng CoVid-19 sa bansa para mas mapabilis ang pagbabalik sa normal na gawain.
Binigyang diin ni Go na sisiguraduhin niyang walang mapapabayaan lalo ang mga pinakanangangailangang sector sa lipunan.
Dagdag ni Go, patuloy ang paghahanda ng gobyerno at bilang patunay ay bumuo ng sub-technical working group on vaccine development na pangungunahan ng Department of Science and Technology (DOST) at Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases.
Tututukan ng TWG ang mga potensiyal na vaccine collaboration sa iba’t ibang bilateral partners para sa mas mabilis at pantay na access sa CoVids-19 vaccine. (NIÑO ACLAN)