TINGIN natin ay magandang panghikayat ang hamon ni Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso na P100,000 insentibo sa mga barangay na walang bagong kaso ng CoVid-19 mula 1 Setyembre hanggang 31 Oktubre.
Sa post sa kanyang Facebook page noong Lunes ng gabi, sinabi ni Mayor Isko na inutusan niya si Vice Mayor Honey Lacuna na maglaan ng P89.6 milyon para sa nasabing incentive program.
“In the next two months, starting September 1 and ending on October 31, kapag wala pong nairehistro na infection, walang new case sa barangay ninyo, magkakamit ang inyong barangay ng P100,000 incentive,” pahayag ni Isko para sa 896 barangays.
“Ang goal natin ay zero CoVid-19 infection for two months sa (Our goal is zero COVID-19 infection for two months in the) barangay, and I believe that you can do it. That is why we want to give you incentive,” anang Alkalde.
Ang mga opisyal ng matatagumpay na barangay ay pagkakalooban ng certificates of recognition para sa kanilang mga pagsisikap.
Pero may ilang devil’s advocate na nagsasabing ang P100,000 insentibo sa barangay ay baka maging dahilan para magsinungaling sa pag-uulat ang ibang barangay.
Mukhang may punto rin. Baka imbes maging susi para paghusayin ang monitoring sa kanilang mga barangay at maging maagap sa pagsugpo ng CoVid-19 ay itago pa nga naman?!
Anyway, baka puwede namang hayaan muna nating ipatupad ang nasabing programa at magtulungan kung paano ito magtatagumpay, bago barilin at tuluyang isantabi. Malaking bagay din at makatutulong ang P.1-milyon o P100,000 para sa bawat barangay.
Hindi ba puwedeng bigyan muna natin ng tsansa at makipagtulungan ang bawat mamamayan at barangay para magtagumpay ang nasabing proyekto?!
Tumulong para magtagumpay!