HINIMOK ni Senator Christopher “Bong” Go ang lahat ng concerned agencies na gamitin ang ngipin ng Anti-Terrorism Law para labanan ang terorismo lalo sa Jolo, Sulu na kamakailan ay biktima ng magkasunod na pagsabog.
Sinabi ni Go, kailangang maipatupad nang maayos ang bagong batas upang matigil na ang terorismo at ang ugat nito.
Ayon kay Go, dapat mabigyan ng hustisya ang pagkamatay at pagkasugat ng ilang sundalo, ilang pulis at mga sibilyan sa mga pagsabog.
Sa isinagawang online concert para kay Pangulong Rodrigo Duterte, hinimok ni Go ang lahat na magkaisa at umasang malalampasan ang krisis na kinakaharap ng bansa.
Inihayag ng senador, naniniwala siyang wish ng lahat maging ng mga hindi kapanalig sa politika na makabalik sa normal days bago ang pandemyang CoVid-19 gaya ng pagyakap ng bawat isa sa mga kaibigan at mahal sa buhay.
Kaugnay nito, tiniyak ni Go, mula noon hanggang sa mga darating na panahon, buong puso niyang ibubuhos ang kanyang kakayahan para matulungan ang mga kababayan lalo ang mahihirap at vulnerable sector.
Nagpasalamat siya sa mga patuloy na sumusuporta at naniniwala sa kanila ni Pangulong Duterte kasabay ng pagtiyak na wala silang ibang iniisip kundi ang makapaglingkod at mabigyan ng magandang buhay ang mga Filipino. (NIÑO ACLAN)