HINDI pinalusot ng netizens ang pilipit na paglilihis ng kilalang supporter ni Pangulong Rodrigo Duterte sa isyu ng sinabing P15-bilyong nakawan sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) noong 2019 upang protektahan ang mga opisyal na malapit sa administrasyon.
Marami ang pumuna sa halos sabay-sabay na ‘fake news’ sa social media ni Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) Deputy Executive Director Mocha Uson, Banat By, Krizette Laureta Chu, at iba pang DDS bloggers ukol kay Senator Risa Hontiveros at sa PhilHealth.
Nitong nagdaang linggo, kapansin-pansin ang pagpapaulan ng mga post at video nina Mocha at ng iba pang DDS bloggers na idinawit si Hontiveros sa mga nangyayaring kabulastugan ngayon sa PhilHealth.
“Kaso wa epek ang kampanya ng grupo, matapos na sila mismo ay kuyugin sa social media dahil sa kanilang obvious na peke at walang katuturang mga akusasyon. Punto ng netizens, matagal nang wala si Hontiveros sa PhilHealth, dahil noong 2014-2015 pa naitalaga sa ahensiya. Nitong 2019 lang nangyari ang mga napabalitang bagong insidente ng nakawan sa PhilHealth,” anang netizen.
Sinupalpal din ang pagdawit ng DDS bloggers kay Hontiveros sa nakaraang isyu ng kontrobersiyal na bonuses sa PhilHealth, dahil 2013 ito nangyari, isang taon bago umupo ang senadora sa PhilHealth.
Tingin tuloy ng marami, obvious na inililihis nina Mocha at ng kanyang mga kasamahan ang isyu palayo sa mga opisyal na malapit sa Malacañang na ngayon ay nasa sentro ng kontrobersiya sa PhilHealth, gaya ni PhilHealth President/CEO Ricardo Morales at ni Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque III.
Ilan sa mga komento ay: “Klaro ang sinabi ng PhilHealth whistleblower na si Morales and other Duterte appointees ang involved sa kaso. Bakit kaya tahimik sila kay Morales at ipinapasa ang isyu kay Senator Risa Hontiveros?”
“Taktika nila ‘yan para kay Senator Risa Hontiveros na wala namang pakialam sa PhilHealth ituon ang sisi. Mga walanghiya talaga sila.”
“Parang magician talaga ang mga DDS, ang lakas mag-misdirection para malimutan ang issue.”
“This is why Duterte’s minions cannot solve our problem today, For them, the solution to every problem is propaganda. Instead of giving solutions to the mess they created, their main task is to divert the blame to others. So sad!”
Dahil sa patuloy na pagkagalit ng publiko sa mga gawain ng liderato ng PhilHealth ngayon, ipinag-utos ni Pangulong Duterte nitong nakaraang Sabado ang pagbuo ng isang government panel na mag-iimbestiga sa mga alegasyon ng kuropsiyon sa PhilHealth.
Sa kabila nito, tumanggi pa rin ang pangulo na sibakin si Morales bilang pinuno ng PhilHealth, kahit nangako na dati na agad aalisin sa puwesto ang mga opisyal na mahuhulihan kahit ng katiting (whiff) lang na senyales ng katiwalian.
(NIÑO ACLAN)