MISTULANG lutong-makaw ang naganap na pagdinig ng House committee on legislative franchises na makikita sa tila ‘predetermined’ na desisyon kaugnay sa ginawang pagbasura sa aplikasyon ng ABS-CBN para sa franchise renewal.
Ito ang naging pagtingin ng ilang kongresista sa 40 pahinang report ng technical working group (TWG) na inirekomendang ibasura ang prankisang hinihingi ng ABS-CBN na sinasabing nakahanda na ang nasabing dokumento bago pa matapos ang pagdinig ng komite.
Dahil umano dito, marapat na talakayin ang naturang isyu sa plenaryo para sa pinal na desisyon.
“It was a clear case of railroading,” ayon kay Rep. Lito Atienza (Buhay) na kumukuwestiyon sa legalidad ng nasabing report.
Ani Atienza, napaka-imposiblega matapos sa loob lamang ng isang gabi ang 40-pahinang dokumento para i-summarize ang 12-araw na pagdinig at testimonya ng mga saksi bukod pa sa araw ng pagbubuod nito.
“That’s why whatever is in that report – so many allegations without evidence resulting in a guilty verdict — is very questionable. It’s a mistrial,” ani Atienza sa ginanap na online forum na pinangunahan ng Makabayan coalition of the House of Representatives noong Sabado.
Nangangamba si Atienza na malalagay sa balag ng alanganin ang bansa kung ang mga kongresista ay kumikilos bilang ‘prosecutors, judge, jury. at executioner.’
Matatandaan, sa botong 70-11 na ginawa ng komite noong 10 Hulyo ay naibasura ang prankisa ng ABS-CBN matapos aprobahan ang rekomendasyon ng three-man TWG na sina Representatives Pablo John Garcia (Cebu City), Xavier Jesus Romualdo (Camiguin) at Stella Quimbo (Marikina).
Binigyang diin ni Atienza, ang nasabing working group ay nag-convene isang araw bago ang isinagawang pagboto at pagpapalabas ng 40-page report na agad na inaprobahan ng miyembro ng komite kahit hindi pa ito nababasa o natatalakay.
“The report is the opinion of only two people. It’s not final. It may not even be legal,” giit ni Atienza.
Maging si Rep. Lawrence Fortun (Agusan del Norte) ay naniniwalang may iregularidad na naganap sa pagboto sa nasabing report ng komite.
“Usually, the TWG report is debated on by the committee members, sometimes even line by line. Take note that the report is 40 pages. You cannot study that report in just one hour. Congressman Quimbo was not even given the chance to explain to the committee why she dissented from the TWG report,” ani Fortun.
Sa pangyayaring ito, iginiit ni Fortun na kailangang talakayin sa plenaryo ang resolusyong ginawa ng komite upang makalahok ang may 305 mambabatas sa pagtalakay at maipaliwanag ang pagbasura sa prankisa ng ABS-CBN.
Kabilang sa dumalo sa Makabayan forum sina Rep. Carlos Zarate (Bayan Muna), Arlene Brosas (Gabriela), France Castro (ACT Teachers), at Joy Tambunting (Parañaque).
Ayon kay Castro at Zarate, sa ilalim ng rules, ang responsibilidad ng komite ay i-report sa plenaryo ang findings sa naganap na pagdinig at dito pagdedesisyonan ng mga mambabatas.
“It’s common sense,” diin ni Castro.
Gayondin, muling inulit ni Zarate, ang posisyon ng Makabayan bloc ay puno ng pagdududa sa nasabing report ng komite dahil walang tinalakay kaugnay sa testimonya ng mga saksi mula sa government regulatory agencies na nilinis ang mga alegasyon laban sa ABS-CBN.
Ani Brosas, “ang TWG ay ‘equivocal in its findings.’ There was no clarity as to what laws were violated on if such violation proved to be injurious to the public.”
Sinabi rin Atienza, “It appears that nothing was proven yet there were conclusions. It’s clear that it was railroaded.” (NIÑO ACLAN)