HINIMOK ni Senador Win Gatchalian ang mga local government units (LGUs) na tulungan ang Department of Education (DepEd) sa pagpapatupad ng Learning Continuity Plan (LCP) sa sitwasyon o kapasidad ng bawat lungsod, munisipalidad, o probinsiya.
Ito ay upang masigurong ang mga paraan ng pagtuturo ay magiging mabisa para sa mga mag-aaral, guro, at mga magulang at siguradong magagamit nila kapag nagbukas na ang klase.
Dahil maraming mga komunidad ang walang gadget o hindi konektado sa internet, binigyang-diin ni Gatchalian na kailangang tukuyin at isulong ng mga LGU ang mga paraan ng pagtuturong abot-kamay ng mga mag-aaral, lalo sa mga liblib at malalayong lugar.
Bagama’t may mga LGU na nagpapamahagi na ng gadgets at internet load sa kanilang mga mag-aaral, ipinaalala ni Gatchalian na hindi lahat ng LGU ay may kakayahang gawin ito.
Aniya, may ilang LGU na kaya lamang suportahan ang pamamahagi ng mga printed self-learning modules o ang pagtuturo sa pamamagitan ng radyo at telebisyon.
Ayon kay Gatchalian, dito pumapasok ang kahalagahan ng mapping system upang gabayan ang DepEd at LGUs sa iba’t ibang paraan ng distance learning, pati na rin ang paggawa ng learning materials.
Sa Valenzuela, halimbawa, nagkaroon ng isang survey na lumabas na Facebook Live na ang napiling gamitin para sa pag-aaral ng mga bata ngayong darating na pasukan.
Dahil dito ay nagpasya ang LGU na magpamahagi ng smartphones upang magamit sa panonood ng mga aralin sa Facebook Live.
Ang pagkakaroon ng mapping system para sa distance o hybrid learning ay isinusulong ni Gatchalian sa kanyang panukalang ‘Education in the New Normal Act’ na maglalatag ng tinatawag na Safe Schools Reopening Plan sa panahon ng krisis at sakuna.
Sa naturang panukala, inaatasan ang DepEd na magkaroon ng mapping system na layong tukuyin kung ilang mag-aaral ang konektado sa internet at may nagagamit na gadgets.
“Upang maging mabisa ang Learning Continuity Plan o LCP na isinusulong ng DepEd, ang pagpapatupad nito ay dapat sang-ayon sa pangangailangan at kakayahan ng bawat lungsod, munisipyo, at probinsiya, lalo na’t hindi lahat ay konektado sa internet. Kaya naman mahalaga ang papel ng mga LGU upang masigurong ang pagpapatupad ng LCP ay angkop sa sitwasyon ng mga kabataan at kanilang mga komunidad,” ani Gatchalian na Chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture.
Sa isang pandinig sa Senado, iniulat ng DepEd na hinihintay nilang makompleto ang datos ng enrolment para sa mapping na ggamitin sa distance learning. (NIÑO ACLAN)