NAGSAGAWA na ng swab testing ang pamahalaang lungsod ng Caloocan sa 129 detainees sa Caloocan City Jail Custodial Facility, makaraang magpositibo sa COVID-19 virus ang dalawa sa anim na miyembro ng Pinagkaisang Tsuper-Operators Nationwide (PISTON), na nakulong noong 2 Hunyo 2020.
Ipinag-utos ni Mayor Oscar “Oca” Malapitan ang swab testing sa mga inmate sa Custodial Facility, upang matiyak na walang nahawa sa 2 PISTON members na nagpositibo sa virus.
Maging ang mga pulis na nagbabantay sa nabanggit na kulungan at nakasalamuha ng dalawang tsuper ay isasailalim din sa swab test.
Nabahala ang pangasiwaan ng piitan nang lumabas ang resulta sa COVID-19 test na nagpositibo ang dalawa sa anim na driver na nakulong nang mahigit isang Linggo, matapos magsagawa ng kilos protesta noong 2 Hunyo 2020 at sa paglabag sa social distancing protocol.
Nakalaya sila noong 10 Hunyo matapos magpiyansa ng P3,000 kada isa.
Inaasahan na sa susunod na mga araw ay maisasalang sa testing ang lahat ng mga preso, pero walang ibinigay na petsa ang City Health Office kung kailan malalaman ang resulta.
Pagtitiyak ng alkalde, isa ang Caloocan City Medical Center sa gagawing quarantine facility kapag may nag-positibo, pero mahigpit pa rin ang gagawing pagbabantay sa mga preso, upang walang makatakas.
Sa ngayon ay bawal muna ang dalaw sa mga preso. (JUN DAVID)