APAT na sinibak na empleyado ng ABS-CBN ang nagwagi sa kanilang inihaing reklamo sa National Labor Relations Commission (NLRC) bago tuluyang nawala sa ere.
Inilabas ng NLRC ang desisyong return-to-work order para kina Rowena “Wheng” Hidalgo Otida, Jerome “Jay” Manahan, at John E. Cuba.Kasamang nanalo ng tatlo sa kaso (NLRC-NCR case no. 05-06101-03) si Ricky de Belen, ngunit namatay sa isang aksidente sa motorsiklo, dalawang buwan na ang nakararaan.
Noong 6 Pebrero 2020, inilabas ni Labor Arbiter Leilani T. Braza-Oro ang return-to-work order pabor kina Otida, Manahan, Cuba, at De Belen.
Iniutos ni Oro na dapat pabalikin sa trabaho sina Otida, Manahan at Cuba sa loob ng 15 araw matapos matanggap ng ABS-CBN ang order, sa kanilang dating mga posisyon o katumbas nito.
Bukod dito, pinababayaran din ng kabuuang P100,000 ang bawat complainant, P50,000 sa exemplary damages at P50,000 sa moral damages, at 10 porsiyentong attorney fee.
Nauna rito naghain ng kaso ang mga empleyado noong Hunyo 2003 ngunit ibinasura ito noong Agosto 2004, Muli itong inapela ng mga empleyado.
Noong 29 Oktobre 2009, binaliktad ng NRC First Division ang desisyon at pinaboran ang reklamo.
Umabot sa Korte Suprema ang kaso.
Noong 14 Hunyo 2014 inutusan ng korte ang ABS-CBN na bigyan si De Belen ng back pay at separation pay dahil sa ilegal na pagtatanggal sa kanila.
Ngunit noong 5 Mayo, nagpalabas ang National Telecommunications Commission (NTC) ng cease and desist order laban sa ABS-CBN.