NGAYONG maraming lugar ang isinailalim sa general community quarantine (GCQ) na lamang, mula sa naunang enhanced community quarantine (ECQ), sandamakmak na tao ang nasasabik dahil marami ring establisimiyento ang nalalapit nang mabuksang muli.
Pero ang ikinagulat ng marami ay kung bakit kasama rito ang bahagyang pagbubukas ng Philippine Offshore Gaming Operations (POGOs) sa kasagsagan ng ipinatutupad na quarantine dahil sa COVID-19 pandemic?
Inilinaw naman ng opisyal ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (Pagcor) na 30 porsiyento lamang ng mga tauhan ng POGO ang puwedeng pumasok.
Magiging mahigpit daw sila sa pagpapatupad ng social distancing, paggamit ng face masks, disinfection sa lugar ng trabaho sa bawat shift, hindi papayagang sumakay sa public transport at hindi puwedang pumunta sa public place.
Ang pinagtatrabahuang POGO ang maghahandog ng bus na masasakyan ng mga empleyado mula bahay hanggang sa lugar ng trabaho at pabalik. Ang papayagan lamang na magtrabaho ay mga empleyadong nakatira sa loob ng five-kilometer radius ng opisina.
Ite-test pa raw ang mga empleyado kada 14 na araw at ang magne-negative lamang sa COVID-19 ang papapasukin. May 90,000 umanong mga Chinese nationals ang nasa industriya ng POGO.
Titiyakin daw na mababayaran ang lahat ng utang nila sa suweldo ng empleyado bago payagang magbukas.
Pero masusunod naman kaya ang lahat ng paghihigpit na ito?
* * *
Alalahanin muna ang kapakanan ng mga kababayan natin na nawalan o natigil sa trabaho dahil sa COVID-19 kaysa mga dayuhan na hindi naman nagbabayad daw ng tamang buwis sa gobyerno.
At kahit sabihing ang mga kliyente ng POGO ay nasa abroad at walang face-to-face na pagtatagpo, paano kung ang sakit ay magmumula mismo sa mga empleyado na maaaring walang alam na may dala silang sakit?
Mababalewala ang lahat na naging hirap ng ating gobyerno, ng health workers, at mga tao sa pagpapatupad ng ECQ kapag POGO workers at ang pagkakumpol-kumpol nila sa iisang lugar ang naging dahilan para kumalat muli ang sakit. Hindi biro ang 31,000 Filipino at 90,000 Tsino na magkakasama.
At bakit pababalikin ang mga kaduda-dudang empleyado samantalang ayon na rin sa mga awtoridad, naugnay ang industriya nila sa iba’t ibang krimen tulad ng kidnapping for ransom, human trafficking, money laudering at pati na prostitusyon.
Alalahaning naputol nga lang sa Senado ang talakayan sa POGO dahil sa COVID-19 matapos na iba’t ibang isyu at intriga ang nahalungkat, bukod pa sa mga krimen na naglabasan halos araw-araw kaugnay ng POGO.
Tiyak din na ang muling pagbubukas ng POGO ay aani ng galit ng sambayanan, na mahirap awatin sa oras na masimulan.
Ayon nga sa dalawang senador na pumapalag sa muling pagbubukas ng POGO, ang nagpipilit lamang maibalik ito ay mga opisyal na makikinabang sa operasyon nito.
Ang pagbibigay sa mga POGO ay hindi magandang dahilan. Alalahanin na ang karamihan ng POGO outlets ay matatagpuan sa NCR, na sentro ng COVID transmission, kaya 120,000 workers agad-agad iyon. Delikado.
* * *
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-tweet sa @Side_View.
FIRING LINE
ni Robert Roque, Jr.