Sunday , December 22 2024

Mga larawan ng alagad ng sining bilang bayani (1)

ISA ang Republic sa pinakanakababahalang aklat sa buong mundo.

Dahil nga sa paniniwala ng sumulat nito.

Para kay Plato, ang ideyal na lungsod ay walang sining.

Aniya, ito ay nagtitiwalag at nanlíligaw o nanlilisya.

Dahil ang tingin niya sa sining ay simpleng “imitasyon,” ginagawa raw nito na ikabit o idikit tayo sa mga bagay na mali, o mga bagay sa mundo, sa halip na sa Anyong eternal.

Inilalarawan daw kasi nito ang ugaling masama at imoral.

Nagtatanim daw ito ng maling halagahan.

O pinahahalagahan nito ang mali.

Paulit-uli itong mababasa sa Aklat II, III, at X.

Kung kaya, hindi katanggap-tanggap ang sining sa Republic.

Ni Plato.

Ngunit hindi ng mga Filipino.

O ng Republic of the Philippines.

Dito pa.

Ngayon pa.

Napatunayan o magpahanggang-ngayon ay pinatutunayan ng mga alagad ng sining ang silbi nila sa republika.

Kahit mas kailangan, halimbawa, sa COVID-19 Pandemic Response Team, ang mga eksperto sa siyensiya, teknolohiya, inhenyeriya, o matematika, hindi pa rin susuko ang mga artiste!

Habang abalang-abala ang mga alagad ng agham sa pagkalinga sa aspektong pisikal ng mga maysakit — abalang-abala rin ang mga alagad ng sining sa pag-aaruga ng aspektong sikolohikal.

Kung hindi man espirituwal.

Napatunayan ko ito noong nagsasaliksik ako hinggil sa gamit ng tula bilang gamot.

Noong bukana ng Dekada  ‘90, batay sa tesis masteral ko sa M.A. Psychology sa Unibersidad ng Santo Tomas, nakapaglabas ako ng librong  Poetreat: The Use of Poetry as a Therapy in Mutual Support Groups of Cancer Survivors in Metro Manila (2006).

Nabasa ito ni Dr. Gil Vicente na nasa lupon ng  Philippine Society of Medical Oncology.

Pagkaraan, inimbitahan niya ako at ang pintor na si Wilson Ma na magbigay ng Expressive Arts Therapy sa iba’t ibang cancer ward sa Metro Manila.

Sa ilalim ng programang 3 P (Painting, Photography, Poetry), nabigyan ako ng platapormang makadaupampalad ang mga pasyenteng, halimbawa, nagtatampo dahil hindi man lang daw sila nginingitian o kinukumusta ng kaniyang doktor o di-kaya’y magbibiro sa kanila umagang-umaga pagkagising ng: “Buhay ka pa?”

Hindi lamang pala ito nangyayari rito kundi kahit sa ibang bansa.

Ang patotoo ay nang dalhin ako ni Fr. Robert “The Running Priest” Reyes sa Hong Kong para magbigay ng panayam  — bilang guro ng Rizal Course — sa mga Domestic Workers natin.

Kabilang sa Lakbay Dangal, sila ay sinanay bilang “Histourism” Guide sa mga lugar kung saan si Dr. Jose Rizal tumira’t nanggamot.  Nang malaman niya kay Prof. Ruby Gamboa Alcantara na ako rin pala ay tumutulong sa mga maykanser,  pinabalik niya ako upang makipamuhay sa mga kababayan natin doong maysakit na nakakaranas ng diskriminasyon.

Doon ko nakilala ang Buhay Ka.

Puwedeng bigkasing “Bùhay Ka” o “Buhày Ka,”  ito ang isang support group na kagaya ng Lakbay Dangal pero ang karamihan sa kanila ay may karamdaman.

Ang hindi ko malilimutan ay nang pumunta kami sa presinto roon upang suportahan ang isa sa kanila na pinagbubuhatan ng kamay ng kaniyang amo. Tapos, biglang may dumating na kapuwa-Filipino na nadukutan. Alam n’yo bang ang sinamahan naming bugbog-sarado ang siya pang sumaklolo? Binigyan pa niya ng HK dollars ang nabiktima ng mandurukot dahil naaawa para raw siya samantala siya itong aming kinaaawaan!

Naganap ito noong 2007.

Marso noon at buwan ng kababaihan.

At a-katorse o ika-67 anibersaryo ng pagkamatay ni Gregoria “Oryang” de Jesus.

Sadyang makabuluhan at makahulugan ito para sa kanilang nagbahagi ng kanilang galing sa pagkanta’t pagsayaw.

Ibinunsod din ng isa kanila na isa palang makata — si Airyn Lentiya — ang kaniyang chapbook na pinamagatang Poems From The Heart na tungkol sa kaniyang ligaya’t lungkot sa pagiging DH o, para sa kaniya, ay Dangal Habilin.

Noong 11 Disyembre 2018, ang dating presidente ng Lakbay Dangal at ng Buhay Ka — si Ma. Socorro Vital Agranzamendez — ang isa sa mga potograpong inimbitahan nina Boyet De Mesa, Virgilio Labial, at Bely Ygot para sa eksibit na Walang Kukurap sa Polytechnic University of the Philippines (PUP). Tampok din dito sina Elvira Llaguit, Joan Pabona, Shari Eunice San Pablo, Jose Mari Uminga, at ang inyong abang lingkod na nagpugay sa mga manggagawa sa loob at labas ng bansa.

Ang ilan sa mga kinunan doon ay ang mga tinitingala nating frontliners ngayon.

Kung baga, matagal na natin silang pinahahalagahan sa pamamagitan ng sining.

Ang panahon ng krisis ang panahon din ng katharsis!

Sa dinami-rami ng mga nangyayari, personal man o politikal, hindi tayo mawawalan ng paghuhugutan o pagkukunan ng inspirasyon.

Lalo na nang papagsalitain ako ng makatang Aldrin Pentero, pangulo ng Linangan sa Imahen, Retorika, at Anyo (LIRA).

Ito ay noong ipagdiwang namin ang Araw ni Balagtas noong Abril 2 sa pamamagitan ng kauna-unahang LIRA Live, na isang online lecture series na sinimulan ni Louie Jon Sanchez na binigyang-kahulugan ang Ano ang Tula? Paano magbasa ng Tula? at sinundan ni En Villasis na binigyang-kabuluhan ang Dramatikong Sitwasyon sa Tula.

At ako naman sa Tula Bilang Terapiya.

Kinumpleto nito, kung baga, ang bilog.

Walang iniwan ito sa Tugon.

Buo. Buong-buo.

Isa itong pamayanan sa social media na tumatanggap ng mga akda at iba pang obra.

Hindi lamang ito para sa mga manunulat, ito rin ay bukàs sa iba pang alagad ng sining, malikhain, at manggagawang pangkultura.

Nilikha ito upang may pahingahan o di-kaya’y paghingahan tayo, wika nga, ng ating loob.

Puwedeng imbakan ng ganda ng loob.

Posible rin namang tambakan ng sama ng loob.

Sa kagandahang-loob ng kuwentista, kritiko’t kasamahan sa Likhaan: University of the Philippines Institute of Creative Writing (UP-ICW) na si Direktor Roland Tolentino, ang inyong abang lingkod ay naging isa sa mga administrador nito.

Dahil dito, aking pinusuan ang pulso ng masa.

Grabe.

Parang sakit!

Daig ang virus ng buhos ng mga samutsaring artworks, graphics, memes, performance poetry, photograph, film, zines, videos, at iba pang “creative and critical responses on the #COVID19 lockdown experiences.”

Daig din ng maagap ang Masipag — pero paano kung Masipag din ay maagap?

Marso pa lamang ay nanawagan para sa mga ambag sa kanilang Six Days of Action na ang takdang panahon ay Abril 1. Agad-agad, nakapag-“lathala” sila ng isang digital folio na pinamagatang From Farms to the Frontlines: Figures Under Quarantine sa issuu.com.

Sa ganitong format na rin nga pala lumabas ang Graphic magazine mula 13 Abril 2020.

Kung ito ay pasulat, pabigkas naman ang kampanya ng makatang ipinaglihi kay Balagtas — na si Francisco Arias Monteseña — at kaniyang kinaaanibang Hulagway Writers Group na naglabas ng mga daglî.

Siyanga pala, mula Abril 1 hanggang Abril 30, pasusulatin namin kayo ng inyong karanasang maligaya o malungkot o masalimuot o kung ano pa.  Ipadala ninyo ang mga ito sa https://www.facebook.com/rapplerdotcom/ at  https://www.facebook.com/Foundation.AWIT/.  Iikot ito sa COVID-19, gamit ang 19 salita, susulat kayo ng daglî — kaya ito ay ating tinatawag na COVIDaglî-19!

Heto ang mga daglî — para sa isang buwan — gamit ang 19 salita:

 

  • Paulit-ulit kong pinakinggan ang All By Myself”,Right Here Waiting”, Survivor, at The Climb.” Umiyak akong mag-isa.
  • Madaling dumistansya kung ikaw ay nakatira sa isang subdibisyon, may sariling kotse, at hawak ang sariling oras sa trabaho.
  • Gusto kong panoorin ang bayaning isinilang sa Wuhan, China. Pero, may pumigil sa buong mundo na manood ng “Mulan.”
  • Naglaro ng ML. Nagbasa ng libro. Nakinig ng podcast. Naglaro ng ML. Nagbasa ng libro. Nakinig ng podcast. Naglaro…
  • Pinakinggan ko ang tinig ng Diyos. Wala akong marinig. Para Siyang sinisipon at umuubo. Pa’no na kaya ako, Lord?
  • “Ano ang lason?” Tanong ko sa matanda. Sagot niya: “Lahat ng bagay nang sobra sa kailangan mo.” Nagkatinginan kami.
  • Sa Mayo. Magtsitsismisan daw sina Buwan, Venus, at Jupiter. Di nila alam. Mukha silang smiley sa Kalawakan. Pagtatawanan tayo.
  • “Gawa ka ng gamot sa COVID-19.” Sagot ng scientist: “Bigyan mo muna ako ng suweldo ni LeBron James.”
  • “Ina, ikaw ang puso ng tahanan natin.” Ngayon ko lang ito nasabi. Sa ipinapagawa kong lapida para sa kaniya.
  • My God! I had been so busy with all these timekillers that I forget one most important calling. Writing.
  • Bumigat na ang daloy ng trapiko sa checkpoint. Piinagsanib na ang puwersa ng AFP at PNP sa Mindanao Ave.
  • Princess Maria Teresa of Bourbon-Parma is the first member of a royal family to die from COVID-19.
  • Binugbog ng mga Italyano ang mga singkit. Namaga ang mga matang halos magsara. Pinilit nilang magsalita. OFW po kami.
  • Pinakawalan ang mga oso sa Tsina. Dinukot ang apdo nila. Ito ang gamot. Saka ginawang furcoat ang balat nila.
  • Sa loob at labas ng bayan kong sawi walang pinag-uusapan kundi ang virus. Tamang sabihing ito ay viral.
  • “Anong kaso mo?” anang preso sa preso. “Na-curfew ako. Pinahahanap ako ng misis kong buntis ng bat soup.
  • Nagsigawan ang mga pulis at raliyista. Parehong mainit ang ulo. Pinatahimik ko sila.
  • Narinig naming kumakalam ng kanilang sikmura.
  • 109 milyon tayo. 89,000 ang hospital beds. 1,000 ang ICU beds. Kaya sa iyong kama ka na lang muna.
  • Magugutom talaga kami pag di bumiyahe dahil nga wala kaming pera, wala kaming pambili ng bigas. Mahirap pag mahirap.
  • In 1999, Chinese colonels Qiao Liang and Wang Xiangsui wrote Unrestricted Warfare: China’s Master Plan To Destroy America. Really?
  • Paano kaya ako makakatulong? E di gamitin mo ang galing mo. Ipinagluluto ng Queen of Malaysia ang kaniyang kababayan.
  • Why do we need a king?Tweet ng 1.2 milyon sa Thailand. Nagbabakasyon kasi ang kanilang hari sa Germany.
  • Hydroxychloroquine ang gamot ng Korean doctors kontra-COVID-19. Anti-malarial drug Heto na naman tayo sa lamok.
  • “Here’s our look at the sky.” Iyak ng Italian Prime Minister. Sa Vatican, nagdarasal pa rin si Pope Francis.
  • Believe it or not, every dark cloud has a silver lining, my dear. Greater the difficulty, sweeter the victory.
  • H’wag n’yo akong subukan? Di ba dapat h’wag akong subukin? Di ba ang huling nagsabi nito, na-Edsa Dos?
  • Methylxanthine, Theobromine and Theophylline stimulate compounds that kill virus in a human with at least an average immune system.
  • We cannot stop this pandemic if we dont know who is infected. Sino nga kaya? Sino nga kaya talaga?
  • Mahal na Birhen! San Lorenzo Ruiz! San Pedro Calungsod! Ipanalangin Ninyo kami. Sa ngalan ng Ama, Anak, Espiritu Santo.

 

Sa kanilang The Digital Sala, binuksan noong Miyerkoles Santo ang talakayan ng mga kuwentistang sina Dean at Nikki Alfar — ang kambal na puwersa sa seryeng Philippine Speculative Fiction — upang makapagbasa sila’t makapagbahagi ng kani-kanilang kuro-kuro sa pagsulat at paggawa ng Filipinx speculative fiction.

At kung ang Adarna House ay mayroon ang Eskuwelaro at iba pang programa para sa mga bata, nagkaroon din ang Open House ng pagkukuwento sa mga bata sa tulong ng mga batikang tagapagkuwento na sina Mikkie Bradshaw-Volante at Mary Melody Remorca sa ngalan ng mga manggagawang nawalan ng trabaho, lalo na sa entablado.

Binuhay ang Online Open Mic Night ng Ampalaya Monologues para rin sa nasabing sektor na maaaring matulungan dito: https://bit.ly/donateopenhouse.

Hindi nagpadaig ang Punyagi kaya nagkaroon din ng FB Live Poetry Reading at ang Alliance of Concerned Teachers (ACT) Private Schools sa kanilang #SetThemFree: Tula at Paglaya.

Bukod sa mga nabanggit na institusyon, may indibiduwal ding pagpupunyagi tulad, halimbawa, ni Aimee Morales na naglabas ng kaniyang 14 Days sa tulong ng video ni Rom Factolerin at audio ng Secret Garden na pinamagatang Sometimes When It Rains.

Isa nga pala ito sa mga tulang ihahandog ko sa panayam kong Bukambibig: Love in the Time of Corona ng Museo ng Kaalamang Katutubo sa Abril 17, 2PM, sa facebook page ng MusKKat.

Samantala, buong Semana Santa naman ang paanyaya ng Alay Sining: Sumali sa Alay Sining, at sama-sama tayong gamitin ang sining para maglingkod sa sambayanan!  Kung interesadong sumali, mangyaring mag-sign up lamang sa link na ito: bit.ly/AlaySiningSignUps.”

Bukod sa kanilang “subsity program,” nagbibigay din ang National Commission for Culture and the Arts (NCCA) ng impormasyon sa sining at kultura, kaya sila ang nagpapaalala ng pagbati sa mga araw ng kapanganakan at/o araw ng pagpanaw, lalo na ng mga National Artist.

Mula sa sentro, o episentro, dumako tayo sa zero ang kaso — ang Kabikulan — kung saan narinig o dininig din natin ang Ateneo de Naga University sa kaniyang kauna-unahang episodyo ng Himatil: A Bicol Poetry Reading. Binasa ang mga tula ni Luis Dato ng isa sa kanilang dakilang alumni na walang iba kundi ang tanyag na aktor na si Jaime Fabregas.

Pagdating ng Lunes Santo, pumasok din ang tulang The Word ng kapuwa-oragon nilang si Marne Kilates.

Sa Kabisayaan, walang-sawa ang Silliman University National Writers Workshop sa kanilang paglalabas ng post(er)s tungkol sa kanilang alumni nang may kasamang halaw o excerpt ng kanilang mga akda bilang selebrasyon ng National Literature Month.

Tinalakay naman ni Boy Labyog ang mga tayutay o figures of speech sa kaniyang videong Binisaya na Grammar Class 101: Sud Sa Klase, Yaw’g Pamayabas sa ilalim ng kaniyang personal na proyektong #promotemindanaoliteratures.

Pero, ang hindi natin makalimutan nitong Mahal na Araw ay ang A Good Friday Lamentation: God Is Dead! ni Karl Gaspar: “If Mother Nature knows what is best, the present scenario is perhaps a way out of her pain which has lasted for so long. Although one shudders at the thought that humanity only took less than three centuries to destroy Gods creation which had remained pristine for countless millennia.  So who benefits that God is dead?”

       

Hindi ko tuloy maiwasang maalala ang isang tula rin sa Ingles:

 

“And people stayed at home

And read books

And listened

And they rested

And did exercises

And made art and played

And learned new ways of being

And stopped and listened

More deeply

Someone meditated, someone prayed

Someone met their shadow

And people began to think differently

And people healed.

And in the absence of people who

Lived in ignorant ways

Dangerous, meaningless and heartless,

The earth also began to heal

And when the danger ended and

People found themselves

They grieved for the dead

And made new choices

And dreamed of new visions

And created new ways of living

And completely healed the earth

Just as they were healed.”

 

Nalagom, o hinihilom nito, ang nagaganap sa kasalukuyan.

Kaya lang, ang tulang ito ni Kathleen O’Mara ay kaniyang isinulat diumano noon pang 1869 na panahon din ng pandemikong Yellow Fever.

Inilimbag muli ito noong 1919 noon namang may Spanish Flu.

At ngayong may COVID-19.

Ganyang-ganyan ang sining.

Walang pinipiling pook dahil unibersal.

Walang pinipiling panahon pagkat klasikal.

KUMUSTA?
ni Vim Nadera

About Vim Nadera

Check Also

Sipat Mat Vicencio

Pagkikita nina Isko Moreno at Nelson Ty

SIPATni Mat Vicencio NAGKITA na nga sina dating Manila Mayor Isko “Yorme” Moreno at dating …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Kita ng TODAs, lumiit sa pagdami ng MC taxi

AKSYON AGADni Almar Danguilan MASYADO na palang bumaba o lumiit ang kita ng mga tricycle …

Firing Line Robert Roque

Gunning for amendments

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. ISINUSULONG ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa ang mga …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Seguridad ng QCitizens  sa ‘Misa De Gallo’   tiniyak ni Buslig

AKSYON AGADni Almar Danguilan NAG-UMPISA na ang ‘Misa De Gallo’ na mas kilala na ngayon …

Firing Line Robert Roque

3 araw ng Metro road deaths

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. BINIGLA ang Metro Manila ng serye ng mga pagkamatay …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *