Saturday , July 27 2024

Ang aga ni A.G.A.

KUMUSTA?

Lahat ng kalsada ay papunta, wika nga, sa Pinnacle Hotel and Suites sa Lungsod Davao sa Pebrero 28 at 29.

Doon kasi magdiriwang ng Pambansang Buwan ng Sining ang National Committee for Literary Arts (NCLA), ang isa sa 19 na pambansang sub-komite ng National Commission for Culture and the Arts (NCCA).

Bilang selebrasyon ng tradisyong kung tawagin ay Ani ng Sining, ito ang pagbubukas sa kauna-unahang pagkakataon ng Reading the Regions: A National Arts Month 2020 Celebration.

Pagtitipon-tipon ito ng mga alagad ng sining, lalong-lalo ng mga manunulat at, sabi nga ni Joey Ayala, mga mandiriwa!

Inaasahan sila na magbabahagi ng kani-kanilang paraan sa pagtuturo at pag-aaral ng sining at literatura na ang tuon ng pansin ay rehiyonal na dalumat at ‘di kaya’y ang mga sumisibol na paksa sa mga wika sa ating bansa.

Si Pambansang Alagad ng Sining na si Resil B. Mojares ang panauhing pandangal samantala ang makatang si Prof. Merlie M. Alunan at nobelista/antropologong si Bro. Karl Gaspar, CSsR ay magbibigay ng kanilang panayam sa plenarya.

Bukod sa sabay-sabay na sesyon, magkakaroon din ng diskusyon at demons­tra­syon tungkol sa pelikula, palabas, at iba pang pagtatanghal.

Ang lahat ng ito ay may kaugnayan sa kalipunan ng mga sanaysay na inilimbag ng NCLA na pinamagatang Reading the Regions: Teaching Literature from Multi-perspectives na ibubunsod sa 28 Pebrero.

Isa ang inyong abang lingkod sa mga awtor at ang aking sinulat ay may titulong Abadillismo.

Ito ay isang pagpapakilala kay Alejandro Garcia Abadilla o A.G.A.

Siya ang makata sa likod ng Ako Ang Daigdig, ang kauna-unahang tula sa anyo ng malayang taludturan.

Siya ang sikat na di-sikat na “Ama ng Modernistang Pagtula sa Tagalog.”

Kung baga, ang katapat niya sa Ingles ay si Jose Garcia Villa na mas bantog sa buong mundo.

Subalit, kung tutuusin, tila mas mahirap ang digmaan laban sa de-kahong panulaan at dedaktiko’t romantikong pananalinghagang pinaslang ni A.G.A.

Katulong niya ang mga kasapi ng itinatag niyang Kapisanang Panitikan sa pagrerebelde sa “Balagtasismo,” ayon sa Pambansang Alagad ng Sining na si Virgilio Almario.

Kinailangan niyang maglathala’t mag-edit ng magasing Panitikan upang magkaroon sila ng espasyo sa ebolusyon at/o rebolusyong pampanitikan ng Dekada ‘40.

Isang alamat ng lungsod ang di-umano’y pagtutok ng baril ni A.G.A. sa patnugot ng Liwayway noon upang mailabas lamang sa nasabing naghaharing babasahin ay kaniyang Ako Ang Daigdig.

Biruin mo, kung hindi naganap ito noong 1940, kailan pa kaya ihahasik ang binhi ng pagbabago kahit man lamang sa tulang Tagalog?

Kinalaunan, pagkaraan pa ng sampung taon, nakapaglabas din naman siya ng sarili niyang aklat ng mga tula: Ako ang Daigdig at Iba Pang Tula (1955).

At, pagkaraan ng isa pang dekada, magkasunod niyang inilimbag ang kaniyang bersiyon ng tanaga, ang Tanagabadilla (1964, 1965) at saka siya nangolekta ng kaniyang Piniling mga Tula ni AGA (1965).

Lingid sa kaalaman ng marami, si A.G.A. ay nagsusulat din ng tuluyan.

At, kung tutuusin, siya ang umimbento sa salitang “sanaysay,” bilang katumbas ng salitang “essay.”

Nauna siya, kung tutuusin, na maging nobelista kung pagbabatayan ang petsa ng pagkalathala dahil ang kaniyang nobela ay unang nakakita ng liwanag — Singganda ng Buhay (1947) – na nasundan ng kontrobersiyal na  Pagkamulat ni Magdalena (1958).

Bisyonaryo talaga si A.G.A.

Editor siya ng antolohiyang Parnasong Tagalog, ang naghawan sa landas pagdating sa pag-iipon ng mga tula ng makatang Tagalog mulang 1800 hanggang 1940.

Ginawa rin niya ito sa mga kuwento sa ayuda ni Clodualdo del Mundo Sr., para sa Mga Kuwentong Ginto (1936); sa pamamagitan nina si Federico Sebastian at A. D. G. Mariano para sa Ang Maikling Kathang Tagalog (1954), at sa tulong ni Ponciano B. P. Pineda para sa Maikling Katha ng 20 Pangunahing Awtor (1957).

Kritiko rin si A.G.A. na pumipili ng magagaling na maikling kuwento at tula.

Sa kaniyang kolum na Talaang Bughaw, siya ay nagraranggo gamit ang asterisko – isa hanggang tatlo —  depende sa kalidad ng isang akdang nalathala.

Ito ang ikinapuputok ng butse ng mga manunulat na “Balagtasista” dahil palagi silang kulelat o kumokolekta ng mababang grado.

Tila ito ang taktika ni A.G.A., sa ganang-akin, para patayin nang dahan-dahan ang nakasanayang tugma’t sukat at tradisyonal na talinghaga.

Sa darating na 10 Marso, ika-114 anibersaryo ng pagsilang ni A.G.A.

Opo, matandang-matanda po siya.

Pero, nauna siya sa kaniyang mga kapanahon.

Sino ba naman ang mag-aakala na magiging dakila ang isang batang nagtapos sa Mababang Paaralan ng Baryo Sapa at sa Mataas na Paaralan ng Rosario, Cavite?

May silid, bulwagan, o gusali man lamang kaya na isinunod sa kaniyang pangalan ang kaniyang sinilangang-bayan?

O ang kaniyang Alma Mater kung saan siya nagtapos ng Batsilyer sa Sining ng Pilosopiya noong 1931 sa Unibersidad ng Santo Tomas?

Noong 10 Marso 2006, sa kaniyang ika-100 kaarawan, naalala ko pa ang ginawa kong compact disc (CD) ng kaniyang mga tula na tinawag kong Kaakuhan, ang kaniyang inimbento na namang salita para sa “identity.” Hinati ko ito sa dalawa. Ang pagbasa ng kaniyang akda: Mga Tula ni AGA tampok sina Roberto Añonuevo, Romulo Baquiran Jr., Bayani Abadilla, Jose Lacaba, Elynia Ruth Mabanglo, Khavn de la Cruz, Ony Carcamo at Makatang Nonoy, Bienvenido Lumbera, Dilim, Mike Coroza), Victor Emmanuel, Benilda Santos, Rio Alma, Lilia Q. Santiago, Joi Barrios, Rafael Dante Cruz, Rogelio Mangahas, Rebecca Añonuevo, at Teo Antonio.

Mapalad ako at nagtagpo ang aming landas ng kaniyang apong si Malaya na bumasa rin kasama nina Bely Ygot at Snow Badua.

Sa kabilang banda, Mga Tula kay AGA ay tulang alay nina LQS, Ma’am Beni, Joey Baqui, Mike C., Joi, at Koyang Roger.

Pagkatapos ng aking panayam para sa Likhaan: University of the Philippines Institute of Creative Writing (UP ICW), nagsalita rin ang supling ni A.G.A. na si Ka Bayani na mas mahaba pa yata ang kaniyang pagbabaliktanaw kaysa aking papel!

Isa siya sa maituturing kong konsuwelo sampu ng kaniyang mga kaanak mula sa kaniyang walong anak ni A.G.A. sa kaniyang kabiyak na si Cristina Zingalava.

Nandoon sila upang buksan ang isang eksibit ng kaniyang likha at larawan sa patnubay ng maasikaso’t masinop na si Gng. Salvación Arlante, ang direktor ng UP Library noon.

Tandang-tanda ko pa ang lahat.

Kung gaano kaaga si A.G.A.

KUMUSTA?
ni Vim Nadera

About Vim Nadera

Check Also

Sipat Mat Vicencio

Pacquiao at Lapid ‘basurang’ kandidato ni Bongbong

SIPATni Mat Vicencio DAPAT pag-isipang mabuti ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., kung nararapat bang …

Dragon Lady Amor Virata

Mag-asawa for mayor sa 2025 local elections

Isumbong mokay DRAGON LADYni Amor Virata SABI ni Parañaque City Cong. Edwin Olivarez, ang utol …

FIRING LINE ni Robert B. Roque, Jr.

Paghihintay sa SONA

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. INAASAHANG nakatutok ang mata ng lahat sa Presidente sa …

Dragon Lady Amor Virata

Daming fake news sa socmed mga apektado kawawa naman

Isumbong mokay DRAGON LADYni Amor Virata SIYENTO PORSIYENTONG lumilitaw na ang social media ay ‘marites’ …

Sipat Mat Vicencio

Manalo kaya si Digong sa 2025 elections?

SIPATni Mat Vicencio NAGKAKAMALI ang marami kung inaakalang tuluyang makalulusot si dating Pangulong Rodrigo “Digong” …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *