ANO nga ba ang social distancing o tamang distansiya ng pagkakahiwalay natin sa isa’t isa na dapat itakda para hindi tayo maapektohan o tuluyang mahawaan ng coronavirus 2019 (COVID 19)?
Ayon sa Department of Health (DOH), sapat na ang pananatili ng isang metro o tatlong talampakan na pagkakalayo sa isa’t isa.
Sa paniwala naman ng ibang dayuhang bansa tulad ng Amerika, dapat manatili ang mga mamamayan ng anim na talampakan (1.8 meters) ang layo sa isa’t isa.
Ang dahilan nito ay madali kasing kumalat ang mikrobyo ng sakit na ito sa mga tao kapag nasanghap ang droplets mula sa pag-ubo o pagbahin ng iba kapag magkakatabi.
Ang anim na talampakang pagkakalayo ay itinakda para maiwasan mismo ang pagkakahawa sa sakit na ito sa ganitong paraan.
Gayunman, naniniwala ang mga dayuhan na ang naturang distansiya ay masasabing ligtas lamang para sa mga tao sa loob ng bahay o kaya ay sa loob ng mga grocery o pamilihan pero iba na ang usapan kapag lumabas na sila.
Ang anim na talampakan ay pangkaraniwang distansiya umano upang bumiyahe ang respiratory droplets mula sa ubo o bahin para hindi masanghap ng mga tao.
Pero ayon nga sa isang eksperto ay may mga nakita siyang mga pagkakataon kung saan kinailangan ang distansyang 10 talampakan halimbawang sadyang malakas ang pagbahin o pag-ubo ng isang tao na hindi nagtakip ng ilong at bibig.
Alalahanin na ang tamang social distancing ay hindi lamang ang pananatili ng distansiya kundi pati ang pag-iisip kung paano maapektohan ng nasabing distansiya ang mga tao sa iyong paligid.
Sa katunayan ay may mga supermarket na nagpapatupad o nagmarka ng anim na talampakang distansiya para sa mamimili.
Naniniwala ako na para maging ligtas ay dapat manatili ang tatlo hanggang anim na talampakang pagkakalayo sa isa’t isa sa loob ng bahay pero kung nasa labas ay dapat mas malayo ang kanilang agwat. Ito ay para makatiyak na mananatiling ligtas tayo sa COVID 19.
Kung mamimili ay dapat planuhin nang maaga ang bibilhin upang hindi magtagal sa pila at makakilos agad ang inyong kasunod. Sa ganitong paraan ay mapapanatili ang social distancing.
Narito ngayon ang problema dahil marami sa ating mga kababayan ang natural na matitigas ang ulo. Makikita ito sa mga nagsasagawa ng biglaang pagtitipon kahit ipinagbabawal o sa simpleng pamimili sa palengke o pamilihang bayan kung saan makikitang dikit-dikit ang mga tao. Walang social distancing na ipinatutupad.
Dapat tandaan ang pagpapanatili ng social distancing, palaging paghuhugas nang maayos ng kamay at hindi pag-alis ng bahay kung gusto nating pare-paraho na matapos ang lockdown na ito at tuluyang magwakas ang problema sa COVID 19.
* * *
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-tweet sa @Side_View.
FIRING LINE
ni Robert Roque, Jr.