Sunday , December 22 2024
Bulabugin ni Jerry Yap
Bulabugin ni Jerry Yap

Bakit may lockdown pa kung aprobado na ang Bayanihan Act?

PASINTABI po sa mga awtoridad kung bakit naitanong natin ito. May hindi po kasi ako maintindihan sa mga nangyayari ngayon.

Noong unang wala pa ang Bayanihan to Heal as One Act

o ang emergency powers na iginawad ng Kongreso kay Pangulong Rodrigo Duterte, naniniwala tayo na dapat ipatupad ang lockdown lalo’t walang sistema kung paano tutukuyin kung sino-sino ang apektado ng coronavirus (COVID-19).

Naniniwala po ang inyong lingkod na mabuti ang layunin ng pamahalaan kung bakit kailangan  magpatupad ng enhanced community quarantine sa buong Luzon at sa ibang probinsiya sa bansa.

Pero ang inaalala lang po natin, hanggang kailan ito makakayanan ng mga kababayan nating umaasa sa pang-araw-araw na pagkita ng pera o sabi nga ng matatanda mga hanapbuhay na “isang kahig, isang tuka.” ‘Yung kapag hindi sila kumahig ngayong araw, wala silang tutukain kinabukasan.

Karamihan sa kanila ay ‘yung nasa saray ng mga mala-manggagawa o kung ikategorya pa ng Labor department ay ‘informal sector’ at sa pananahanan sila ang tinatawag na informal settlers.

Nangako ang pambansang pamahalaan para manatili sila sa bahay ay rarasyonan sila ng pagkain. Marami ang umasa. Pero papasok na tayo sa ikatlong linggo ng enhanced community quarantine ‘e ilan pa lang ang nakatatanggap ng rasyon mula sa kanilang mga lokal na pamahalaan. At malamang hindi pa nabibigyan ang lahat ‘e tiyak, ubos na ang rasyon ng mga nauna. Paano na ang kasunod? Saan sila kukuha?!

Sa katunayan, dahil sa ipinaiiral na “social distancing” sa ilalim ng enhanced community quarantine (ECQ), hindi alam ng publiko kung paano nagbibigay ng direktiba si Secretary of the Interior and Local Government (SILG) Eduardo Año sa mga pinuno o kinatawan ng local government units (LGUs).

Paano niya naipatatagos ang mga kaisahan at kautusan na ipinadaraan sa Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) sa LGUs?! Sa pamamagitan ban g social media?!

Kapag posted na ba sa social media ay nangangahulugan na naipatagos at naunawaan na ng LGUs ang kautusan ng IATF-EID?

Bakit po natin itinatanong ito?

Kasi po sa nakikita nating mga kaganapan, hindi pa aprobado ang “Bayanihan Act” e biglang nag-panic at parang bulang naglaho ang ibang mga opisyal ng LGUs.

Sa katunayan, kaya naging tampok ang aksiyon at pamamahala ni Pasig City Mayor Vico Sotto hindi dahil mga artista ang kanyang mga magulang kundi siya ang punong lungsod sa Metro Manila na agad umaksiyon at nakapagbuo agad ng sistema kung paano ipatutupad ang ECQ sa bawat barangay na kanilang nasasakupan.

Si Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso ng Maynila ay agad din nakapagbuo ng sistema kung paano ika-quarantine ang mga taga-Maynila. Kinausap at nangako sa mga matitigil ang paghahanapbuhay na rarasyonan niya ng bigas at ilang pangangailangan.

Ganoon din umano si Cainta Mayor Kieth Nieto, na mabilis na nakapagbuo ng mga plano kung ano ang magiging kondukta ng enhanced community quarantine sa kanilang lugar.

Hindi rin nagpahuli riyan si Marikina Mayor Marcy Teodoro kaya naging maayos ang pagpapatupad ng ECQ sa kanilang lungsod.

Sumunod na rin dito si Valenzuela Mayor Rex Gatchalian na nagkasa na rin ng sistema kung paanong hindi magugutom ang kanilang constituents.

Sa kasalukuyan, ang limang lungsod ay nasa antas na kung paano makapamamahagi ng rasyong pagkain sa kanilang mga nasasakupan.

Totoong hindi pa lahat ay nabibigyan ng rasyon pero relatibong  mas nagpapakita ng aksiyon ang nabanggit na limang alkalde kaysa iba na dating maiingay at matutunog sa media.

Kasunod nito, naaprobahan nga ang “Bayanihan Act” at dito ay binigyan ng “emergency powers” ang Pangulo.

Pero ano ang silbi ng “Bayanihan Act” para mabago ang ksalukuyang sitwasyon?!

Sa pamamagitan ba ng “Bayanihan Act” ay maaari nang luwagan ang ECQ sa mga lugar na matutukoy na malinis sa COVID-19?

At magkakaroon ba ng mahigpit na quarantine o lockdown sa mga lugar na matutukoy na mayroong residenteng apektado ng COVID-19?!

Mukhang iyon ang dapat gawin ng IATF-EID, tukuyin ang pinaka-apektadong lugar at doon pakahigpitan ang quarantine o lockdown.

Sa mga lugar na mapapatunayang walang kaso ng COVID dapat ay luwagan ang quarantine at hayaang sila mismo ang magsagawa ng “misting and spraying” at iba pang sistema kung paano lilinisin ang paligid.

Pakilusin din sila para sa preparasyon ng mga irarasyong pagkain sa mga lugar na masyadng apektado ng COVID-19.

Ang punto lang natin dito, tumutok ang IATF-EID sa pagtukoy kung nasaan ang mga apektado at doon higpitan ang quarantine. Patulungin din ang malulusog na human resources ng bansa upang hindi magkasakit ang ating frontliners sa medical and allied health profession, sa hanay ng pulisya at militar, at sa hanay ng LGUs.

Kung hindi gagawin ang ganitong sistema, paano tuluyang masasawata ang COVID-19 at sa paanong paraan maitatakda ang pagtatapos ng quarantine?!

Halimbawa sa isang bayan o lungsod, kung tukoy kung anong mga barangay ang mayroong mga kaso ng COVID-19 doon dapat maghigpit ang quarantine.

Sa mga hindi pa apektado, ang dapat gawin ay ituloy-tuloy ang disinfection, tutukan ang mga senior citizen at mga bata sa pagbabantay at pag-aalaga, kung maaari huwag na muna sila palabasin dahil sila ang madaling mahawaan ng COVID-19.

Saka magbuo ng mga komite o grupo na siyang mangangasiwa at makikipag-ugnayan sa lokal na pamahalaan para sa nakalaang rasyon ng pagkain.

Unti-unti ay hayaan na rin makabiyahe ang mga tricycle basta’t siguradong walang problema sa kalusugan ang driver at isang pasahero lang kada tricycle.

Magtakda ng mga babaan at sakayan na maipatutup0ad ang ‘social distancing.’

Pumapasok na tayo sa ikatlong linggo ng quarantine at kinakailangan nang unti-unting magkaroon ng itsura kung paano maibabalik sa normal na sitwasyon ang mga lugar na mapapatunayang malinis na.

Pero sa nakikita natin ngayon, mukhang walang malinaw na plano ang IATF-EID at mukhang nagiging reactive lamang at hindi pro-active.

Pasensiya na po mga sir… pero iisa ang tanong ng bayan — “Anong petsa na? COVID-19 lalong umaalagwa?!”

Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com

BULABUGIN
ni Jerry Yap

 

 

 

 

About Jerry Yap

Columnist at HATAW D'yaryo ng Bayan / CHRONICLE (Customs); National Press Club of the Philippines President (2010-2012), Treasurer (2012), Director (2004-2010) and National Chairman at ALAM (Alab ng Mamamahayag)

Check Also

Sipat Mat Vicencio

Pagkikita nina Isko Moreno at Nelson Ty

SIPATni Mat Vicencio NAGKITA na nga sina dating Manila Mayor Isko “Yorme” Moreno at dating …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Kita ng TODAs, lumiit sa pagdami ng MC taxi

AKSYON AGADni Almar Danguilan MASYADO na palang bumaba o lumiit ang kita ng mga tricycle …

Firing Line Robert Roque

Gunning for amendments

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. ISINUSULONG ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa ang mga …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Seguridad ng QCitizens  sa ‘Misa De Gallo’   tiniyak ni Buslig

AKSYON AGADni Almar Danguilan NAG-UMPISA na ang ‘Misa De Gallo’ na mas kilala na ngayon …

Firing Line Robert Roque

3 araw ng Metro road deaths

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. BINIGLA ang Metro Manila ng serye ng mga pagkamatay …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *