SA MASIKIP at mainit na preso magdaraos ng self quarantine ang limang lalaki matapos maaresto nang salakayin ng Manila Police District (MPD) ang ilegal na tupada sa Parola Compound, Tondo, Maynila.
Ayon kay MPD Station 2 commander, P/Lt. Col. Magno Gallora, Jr., nadakip ang mga suspek na sina Jose Gerry Quilator, 48 anyos; Reynaldo Francisco, 43; Gijainquit Bacordo, 49; Arnel Ganab, 35; at Sofronio Orquino, 49.
Nabatid, sa pagpapatupad ng enhanced community quarantine, naispatan ng mga pulis ang nagkukumpulang lalaki na nagpupustahan sa tupada.
Kasunod nito, mabilis na pinalibutan ang mga nagpupustahan saka dinakma ng mga pulis ang naglalaban na manok at dinakip ang mga susepek na sugarol.
Kamakailan, mahigpit na ipinagbawal ni PNP Chief, General Archie Gamboa ang lahat ng klase ng ilegal na sugal sa bansa kasabay ng deklarasyon na One Strike at No Take Policy.
Nagbanta ang chief PNP na sisibakin ang opisyal na lalabag sa nasabing direktiba, bagay na mahigpit na sinusunod at ipinatutupad ng MPD sa kabila ng mga pasaway na nagpasugal sa nasbaing area.
Kasong paglabag sa PD 1602, kilala bilang illegal gambling (cockpit), ang isinampa laban sa mga suspek.
(BRIAN BILASANO)