INALERTO ng pamunuan ng PNP-PRO3 ang pulisya sa buong rehiyon hinggil sa pagpapaigting ng security operations kontra COVID-19.
Ayon kay P/BGen. Rhodel Sermonia, inatasan niya ang kanyang city at provincial directors na seguruhing maipatupad ang kaayusan sa kanilang area of responsibilities (AOR) at paigtingin ang kampanya hindi lamang kontra krimen bagkus ay sa kasalukuyang COVID-19 outbreak.
Sinabi ni Sermonia, simula noong Linggo, 15 Marso, ay naka-deploy na ang 100 pulis mula sa iba’t ibang unit upang magsilbing perimeter security sa New Clark City sa bayan ng Capas, sa lalawigan ng Tarlac para sa mga repatriates mula California na ipaku-quarantine ng Department of Health (DOH).
Kaugnay sa deklarasyon ng state of public health emergency ni Pangulong Rodrigo Duterte, iniutos ni Sermonia sa buong kuwerpo ng pulisya na maglatag ng simultaneous checkpoints sa rehiyon bilang pangangalaga sa kalusugan ng mga mamamayan laban sa paglaganap ng COVID-19 sa lugar.
Nagbabala ang DOH Central Luzon at kinompirmang apat ang kaso ng COVID-19, na ang isa ay pumanaw na.
Dagdag ni Sermonia, handa ang pulisya na umantabay sa panahon ng krisis pangkalusugan ngunit kikilos nang naaayon sa disposisyon ng Department of Health.
Sa pakikipagtulungan ng iba’t ibang ahensiya at ng Central Luzon PNP ay nagpalabas sila ng mga alituntunin hinggil sa paglalatag ng checkpoint operations kaugnay ng COVID-19 upang maiwasang mag-panic sa halip ay maunawaan ng mga mamamayan.
(RAUL SUSCANO)