MATAPOS mamatay ang isang empleyado ng Kamara kamakalawa, nagkaroon muli ng isa pang biktima ang Covid 19 sa Batasan Complex, iniulat kahapon.
Ayon sa isang source, ang pangalawang biktima ay nagtatrabaho sa isang kongresista.
Humingi ng panalangin ang mga kamaganak dahil malubha ang kalagayan ng pasyente.
Sa kabila nito, hinimok ni Albay Rep. Joey Salceda na magkaroon ng ‘total lockdown’ at ‘home quarantine’ upang matigil ang pagkalat ng COVID-19.
Maaari umanong maglabas ang gobyerno ng P27.2 bilyon para sa 3.4 milyong pamilya sa Metro Manila lalo para sa NCR informal workers.
Giit ni Salceda ang ‘lockdown’ ay dapat sa bahay at hindi lamang sa komunidad.
“As it is, the compromised implementation and compromised configuration of the community quarantine means that we are almost certain that an exponential growth in cases will continue. You can see how people are crowding in checkpoints and in places where people need to commute,” ani Salceda.
“Around 40 percent of cases were not exposed to known infections. May community transmission na po. That’s the writing on the wall,” aniya.
Ani Salceda, sayang ang sakripisyo ng mga tao kung ang aksiyon ng gobyerno ay walang pinagbabasehan.
“The people are making immense sacrifices to abide by the community quarantine. That’s why we need a strategy that truly works, kasi sayang ang sakripisyo ng mga tao kung hindi data-driven and evidence-based ang approach,” ayon kay Salceda.
(GERRY BALDO)