NAILIGTAS ang apat na banyagang empleyado ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) mula sa ilegal na pagkakakulong ng kanilang employer sa lungsod ng Mabalacat, lalawigan ng Pampanga.
Kinilala ang mga biktimang sina Sarah Lien Mye Yee, 29 anyos; Andy Wong Fu Chun, 26 anyos; Ng Wen Jiin, 25 anyos, pawang Malaysian national; at Wang Chien Hau, 24 anyos, Taiwanese national.
Samantala, arestado ang caretaker na kinilalang si Liu Linzhi, Chinese national, na nagsilbing bantay sa apartment sa Chico St., Clark Hills Subdivision, CFPZ, sa naturang lungsod na pinagkulungan umano sa mga biktima.
Batay sa impormasyon, nirekrut ng mga Chinese national ang mga biktima at bibigyan umano ng malalaking sahod upang magtrabaho sa POGO ngunit ikinukulong at binabantayan na parang preso sa nasabing apartment.
Ayon sa Mabalacat PNP, nakatanggap ang kanilang TOC (Tactical Operations Center) ng tawag mula sa Malaysian Embassy na humihingi ng responde upang mapalaya ang kanilang mga kababayang Malaysian na ikinulong ng mga Chinese operator.
Agad kumilos ang mga awtoridad at napalaya ang mga banyagang ikinulong ngunit hindi nila naabutan ang amo ng mga biktima.
(RAUL SUSCANO)