INILATAG ang mahigpit seguridad sa checkpoints at control points ng National Capital Region Police Office (NCRPO) kasama ang nasasakupan ng Southern Police District (SPD), epektibo na kahapon ang community quarantine sa buong Metro Manila.
Sinabi ng tagapagsalita ng SPD na si P/Major Jaybee Bayani, nasa kabuuang 5 checkpoints at 13 control points ang nakalatag sa katimugang bahagi ng Metro Manila upang tiyakin ang implementasyon ng Department of Transportation (DOTr) guidelines para makontrol ang pagkalat ng coronavirus Disease (COVID-19) sa kasagsagan ng community quarantine period.
May checkpoints sa Susana Heights sa Muntinlupa City; Daang Hari at Zapote Road sa Las Piñas City; Roxas Boulevard sa panulukan ng MIA Road; at Macapagal Boulevard sa panulukan ng Pacific Avenue sa Parañaque City; at PEA Tollway Corporation o CAVITEX sa nasabing lungsod.
Mahigpit na binabantayan ng mga pulis ang mga hangganan kaya inilatag ang control points sa iba’t ibang lugar sa SPD kabilang ang River Drive, BFRV, Barangay Talon Dos, Las Piñas City, at Marcos Alvarez Avenue, Bgy.Talon Singko sa nasabing lungsod na nasa Las Piñas at Cavite boundary.
Sa Muntinlupa City, sa Bgy. Tunasan, San Pedro Boundary; Sucat Interchange East Service Road; Sucat Interchange West Service Road; Filinvest Exit; at Sucat Bridge, Taguig-Muntinlupa Boundary.
Habang sa Parañaque City ay sa panulukan ng Kaingin at Multinational Avenue; Bicutan Interchange malapit sa SM Bicutan na magmumula sa Pasay City; Victor Medina Avenue (Kabihasnan); C-5 Extension Roa boundary ng Las Piñas City at Parañaque City; Sucat Interchange na manggagaling mula sa Alabang, Muntinlupa City; at C-5 Extension Southlink (Merville).
Ipinakalat ang 400 pulis at ipinoste sa mga checkpoints at control points.
Sakop ng SPD ang Pasay City, Makati City, Parañaque City, Las Piñas City, Muntinlupa City, Taguig City at munisipalidad ng Pateros. (JAJA GARCIA)