NAGPASALAMAT si Mayor Toby Tiangco sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) at sa San Miguel Corp., sa pagsisimula ng sustenableng programa sa dredging.
“Kailangan natin ang sustainable dredging program para masiguro ang tagumpay na makakamit dito ay pangmatagalan at matatamasa ng mga susunod na henerasyon,” aniya sa kanyang talumpati sa opisyal na paglulunsad ng dredging ng Tullahan-Tinajeros river system.
Sinabi ng alkalde, patuloy na naiipon ang mga silt at sediment, maging ang mga basura, sa ilalim ng mga ilog at iba pang anyong tubig pero hindi ito regular na natatanggal.
“Dati, hindi laging nakapagsasagawa ng dredging dahil sa kawalan ng pondo. Kaya natutuwa tayo na may partnership ang DENR at ang San Miguel Corp., na nangakong magbibigay ng P1 bilyon, para sa proyektong ito,” dagdag niya.
Iniutos ni Tiangco sa mga punong barangay na mahigpit na ipatupad ang anti-littering ordinance ng lungsod.
“Mababalewala ang dredging kung hahayaan natin ang ating mga mamamayan na magtapon ng basura kung saan-saan. Ang disiplina at mahigpit na pagpapatupad ay mahalaga rin para magtagumpay tayo sa ating kampanya na linisin ang tubigan,” diin niya.
Ang dredging ng 36.4-kilometrong Tullahan-Tinajeros river system ay bahagi ng kampanya na linisin at ayusin ang marine ecosystem ng Manila Bay. Ang river system na ito ay mula sa La Mesa Dam sa Quezon City hanggang sa Centennial Park ng Navotas.
Ang SMC ang magsasagawa ng proyekto katuwang ang DENR. Parehong pinangunahan nina SMC President and Chief Operating Officer, Ramon Ang, at DENR Secretary Roy Cimatu ang paglulunsad ng dredging activities.
Bukod kay Tiangco, kabilang sa mga opisyal na dumalo sina Vice Mayor Clint Geronimo, mga konsehal at department heads, at mga punong barangay.
Dumalo rin sina Malabon City Mayor Antolin Oreta III; Bulacan Governor Daniel R. Fernando; 2nd at 3rd District of Bulacan representatives, Gavini Pancho at Lorna Silverio; Meycauyan at Obando mayors Linabelle Ruth Villarica at Edwin Santos.
Kabilang sa mga opisyal na sumaksi sina Metro Manila Development Authority (MMDA) Chairperson, Gen. Danilo Lim; Department of the Interior and Local Government Undersecretary for Operations, Epimaco Densing III; Department of Public Works and Highways Assistant Secretary Antonio Molano Jr.; at DENR Undersecretaries Rodolfo C. Garcia, Atty. Jonas Leones, Analiza Rebuelta-Teh, at Juan Miguel Cuna. (JUN DAVID)