INAMIN ni Senador Lawrence Christopher “Bong” Go, humingi na ng saklolo ang National Telecommunication Commission (NTC) sa Department of Justice (DOJ) para sa usapin ng prankisa ng ABS CBN sakaling tuluyan nang mapaso sa katapusan ng Marso.
Ayon kay Go, ito ay upang matiyak kung ano ba talaga ang tamang magiging desisyon sa prankisa ng ABS CBN.
Sinabi ni Go, hindi dapat mangamba kahit sino at magbigay ng konklusyon ukol sa isyu lalo na’t mayroon nang pagdinig na magaganap at naihain sa kongreso ang renewal ng kanilang prankisa na hindi pa naman tuluyang napapaso.
Kaugnay nito, itinakda ni Senadora Grace Poe, chairman ng Senate committee on public services ang pagdinig hindi lamang sa prankisa ng ABS CBN kundi maging sa iba pang prankisa na nakabinbin sa kanyang komite.
Naniniwala si Poe, hindi niya kailangan hintayin ang Mababang Kapulungan bago dinggin ang mga nakabinbing resolusyon o panukala sa kanyang komite.
Iginiit ni Poe, mayroon siyang tungkulin o mandato sa ilalim ng batas ukol sa kanyang legislative function.
(NIÑO ACLAN)