NAARESTO ang isang dating lider ng Communist Party of the Philippines – New People’s Army (CPP-NPA) nang salakayin ang kaniyang bahay kamakalawa ng madaling araw, 17 Pebrero, sa lungsod ng Angeles, lalawigan ng Pampanga.
Ayon kay PRO3 Director P/BGen. Rhodel Sermonia, nadakip si Rodolfo Salas, alyas Kumander Bilog, 72 anyos, residente sa Doña Carmen St., Mountain View, Balibago, sa naturang lungsod, ng pinagsanib na puwersa ng Special Concern Unit (SCU) – Regional Intelligence Unit, 301st Manuever Company, Regional Mobile Force Battalion 3, at Angeles City Police sa pangunguna ni P/Lt. Col. Renante Pinuela.
Nabatid na dating pinuno ng CPP-NPA si Kumander Bilog na matagal na nagdusa sa piitan at nabigyan ng absolute pardon sa panahon ni dating Pangulong Fidel Ramos, at naging direktor ng Pampanga Electric Company (PELCO) ni dating Pangulong Gloria Arroyo.
Dinakip si Bilog sa bisa ng warrant of arrest para sa 15 kaso ng murder na nilagdaan ni Hon. Thelma Bunyi-Medina, presiding judge ng RTC Branch 32 ng Maynila noong 28 Agosto 2019.
Ayon sa press statement ni Sermonia, isasailalim sa mas malalimang imbestigasyon si Salas upang malaman ang kaniyang kasalukuyang partisipasyon sa kilusan.
Sinabi ni RSOG (Regional Special Operations Group) commander P/Lt. Col. Renante Pinuela, may mga dokumento silang narekober sa bahay ni Salas na may kaugnayan sa kasalukuyang kilusang kinaaaniban niya.
Nakompiska sa bahay ni Salas ang isang kalibre .45 baril, 174 pirasong mga bala, at dalawang magazine ng .45 kalibreng baril.
Iniharap ni Sermonia sa mga mamamahayag ang karagdagang 14 miyembro ng NPA fighters na kusang sumuko sa batas kasama sa 162 naunang sumuko sa ilalim ng Enhanced Comprehensive Local Integration Program (E-CLIP) sa taong ito. (RAUL SUSCANO)