Sunday , December 22 2024

Pag-ibig sa panahon ng coronavirus (2)

KUMUSTA?

Kamakailan, naging viral ang video ng isang babaeng nakasuot ng uniporme, katerno ng puting pantalon ang kaniyang pantaas na mahaba ang manggas at may bulsa sa kaliwang dibdib at sa gawing baywang sa magkabilang panig.

Ang takip niya sa ulo’t bibig na tila kupas na asul.

Hindi ito ang Pantone 19-4052 – o Classic Blue – pero, sa ganang-akin, ang kulay ng ganitong bughaw na face mask ay karapat-dapat maging Color of the Year!

Nakatayo siyang nakadipa, mistulang babaeng Kristo na nakapako sa krus habang nag-iiwan ng parang Siete Palabras na hindi maintindihan.

Magpahanggang dahan-dahan ko ring naunawaan ang lahat.

Lalo na nang pumaling ang kamera sa kaniyang kaharap na isang musmos na babaeng kapareho niya ang suot sa ulo’t bibig.

Wari ko’y nakapang-winter ang jacket na lumang rosas ng paslit na may bitbit sa kanang kamay.

Nagpapaligsahan ang dalawa sa pag­hagulhol.

Maya-maya pa’y lilitaw ang kaniyang diyalogong sa wikang Tsino.

Ingles ang salin sa subtitle:

“Mom.”

“Be good.”

“Mom, I miss you a lot.”

“Mom is fighting monsters.”

“I’ll be back home once the virus is beaten.”

Hindi ito isang pelikula.

Dokumentasyon ito ng isang nars sa isang hospital na pugad diumano ng coronavirus sa probin­siya ng Henan na ang punong-lungsod ay Wuhan.

Malalaman sa susunod na eksena na ang nanay ay si Liu Haiyan at ang kausap niya sa di-kalayuan ay kaniyang supling na hindi pinanga­lanan.

Pagkuwa’y lalapit ang bata patungo sa ina.

Sa pagitan nila, siya ay titigil para ilapag ang kaniyang dalang isang plastik na bag na may lamang lalagyan ng pagkain.

Sa ibaba, mababasa ang paliwanag: “They are not allowed contact so the girl puts the dumplings on the ground.”

Habang pinupulot ang pasalubong ng anak, uulitin ng ina ang kaniyang habilin at tagubilin: “I’ll come back after we win the fight.”

Dali-daling aatras, papalayo para pumasok sa ospital, at magpapaalam.

Kuha ito ng Xinhua News Agency — ang opisyal at impluwensiyal na organisasyon ng media ng Tsina – na pinakamalaking ahensiya ng balita sa mundo.

Ang video ay inaasahang maintindihan — maliban sa Tsino’t Ingles — sa mga bansang nakakaunawa sa wikang Espanyol, Pranses, Ruso, Portuges, Arabic, at Hapon.

Malalim, hindi lamang malawak, ang saklaw nito.

At dahil gawa ito ng Xinhua — na siya ring responsable sa pag-censor o pagsalá ng mga report mula sa ibang bansa na nakatakdang ipalabas sa Tsina – tiyak na dumaan ito sa masinop at masinsinang proseso.

Bakit kaya nila ito ipinalabas?

Upang isigaw sa buong mundo na biktima rin sila ng virus?

Upang sabihing hindi lamang kayo kundi kami rin?

Upang pabulaan ang balitang ang Tsina diumano ang may kagagawan ng lahat?

Ano’t ano man, iisa lamang ang totoo: patuloy pa rin ang pagkalat ng coronavirus.

Ang siste, ang hirap lumaban kapag hindi mo kilala ang iyong kalaban.

Ano nga ba itong virus na ito?

Sino nga ba ang halimaw na ito?

Ayon sa World Health Organization, ang coronavirus ay isang malaking pamilya ng mga virus na natatagpuan sa mga hayop at tao. Ang dalawang naunang sumikat ay Severe Acute Respiratory Syndome (SARS) at Middle East Respiratory Syndrome (MERS).

Isa sa mga bago sa coronavirus ang novel coronavirus (nCoV) na tinatawag ding 2019-nCoV makaraang pumutok ang pagkalat nito sa Tsina noong Disyembre 2019.

Nagpapakita ito sa anyo ng sipon, sore throat, ubo, at lagnat na maaaring maging pneumonia o paghinga nang mahirap. Nakakamatay ito lalo na para sa nakatatanda o maysakit sa puso o may diabetes.

Napag-alaman na ang pinagmulan ng SARS ay kumalat mula sa pusa o civet cat sa Tsina noong 2002 samantalang ang MERS naman ay galing sa dromedary camel sa Saudi Arabia noong 2012.

Wala pa namang tinutukoy na pinanggalingang hayop ang nCoV pero dapat pa ring iwasan ang pagkain ng mga hilaw o di-nalutong karne o gatas ng hayop.

Sinumang nakatira o naglalakbay sa isang lugar na may nCoV ay delikado.

Maaari kasing mahawa sa mga maysakit sa pamamagitan ng ubo o bahin o mula sa tulo ng laway o sipon o anumang lumabas mula sa ilong.

Ipinaaalala lagi na maghugas ng kamay tuwina sa tulong ng alkohol o sabon at tubig.

Iimbentohin o iniimbestigahan pa lamang ang gamot para sa nCoV.

Nakikipagtulungan ang WHO sa iba’t ibang partner upang makabuo ng isang gamot para sa virus na ito.

Kaya, ang proteksiyon dito ay kalinisan.

Sa gitna ng pag-aalala, nariyan pa rin ang pananamantala.

Maaaring ito ay sa anyong impormasyon.

O misimpormasyon.

Kung kaya, sinangguni pa rin natin ang WHO pagdating sa kung tawagin natin ay mito.

Una, hindi mabubuhay ang nCoV sa mga bagay kaya walang problema may matanggap man tayo na liham o anumang padala mula sa Tsina?

Ikalawa, walang patunay na maaaring magkaroon ng nCoV ang ating mga alagang aso o pusa subalit pinapayuhan pa rin tayo na palaging maging malinis.

Ikatlo, hindi proteksiyon sa nCoV ang pagpapabakuna kontra pneumonia kasi bago pa lamang ito at iba o iniimbento pa lamang ang gamot para rito.

Ikaapat, hindi rin makatutulong ang pagbabanlaw ng ilong natin gamit ang tubig na may asin upang magamit o magamot laban sa sipon at iba pang impeksiyon sa paghinga.

Ikalima, wala ring patotoo na ang mouth­wash at iba pang pangmumog ay makadudurog sa nCoV.

Ikaanim, bagamat masustansiya ang bawang hindi pa rin ito lunas laban sa nCoV.

Ikapito, hindi rin hadlang o harang ang langis o lanang gaya ng  sesame oil para makapasok sa ating katawan ang nCoV ngunit maka­tutulong, kahit panandalian o pansamantala, ang leach o disinfectant na may chlorine, solvent, peracetic acid, chloroform, at 75 porsiyentong ethanol na, kung tutuusin, masamang ipahid sa ating balat.

Ikapito, kahit sino, matanda man o bata, ay maaaring magka-nCoV kaya ugaliin ang pagiging malinis.

Ikawalo, ang antibiotiko ay epektibo para lamang sa bacteria at hindi sa virus kaya hindi dapat itong gamitin para sa pag-iwas at paggamot nito.

Ikasiyam, dapat alagaan ang pasyente upang matugunan ang mga sintomas at, kung malubha, ang palaging payo ay walang iba kundi “optimized supportive care.”

Bakit?

Dahil wala pang gamot sa nCoV.

Kaya ang pinakamabisang lunas ay ibayong pag-iingat.

KUMUSTA?
ni Vim Nadera

About Vim Nadera

Check Also

Sipat Mat Vicencio

Pagkikita nina Isko Moreno at Nelson Ty

SIPATni Mat Vicencio NAGKITA na nga sina dating Manila Mayor Isko “Yorme” Moreno at dating …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Kita ng TODAs, lumiit sa pagdami ng MC taxi

AKSYON AGADni Almar Danguilan MASYADO na palang bumaba o lumiit ang kita ng mga tricycle …

Firing Line Robert Roque

Gunning for amendments

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. ISINUSULONG ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa ang mga …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Seguridad ng QCitizens  sa ‘Misa De Gallo’   tiniyak ni Buslig

AKSYON AGADni Almar Danguilan NAG-UMPISA na ang ‘Misa De Gallo’ na mas kilala na ngayon …

Firing Line Robert Roque

3 araw ng Metro road deaths

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. BINIGLA ang Metro Manila ng serye ng mga pagkamatay …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *