DINAKIP ang tatlong driver nang makompiskahan ng droga habang nagsusugal sa ikinasang anti-criminality/Oplan Galugad sa Parañaque City, nitong Sabado ng gabi.
Kinilala ni Parañaque City Police chief, P/Col. Robin King Sarmiento, ang mga naarestong suspek na sina Joselito Siaboc, alyas Dog, 43 anyos, may asawa, ng Karuhatan, Valenzuela City; Bryan Arrozal, alyas Boyet, 38, binata, residente sa Maligaya St., Barangay Paho, Meycauayan, Bulacan; at Laurence Loquente, alyas Renz, 45 anyos, ng 13 KM Area 2, Bgy. Karuhatan, Valenzuela City.
Ayon sa ulat ni P/Cpl. Ian Villaganes, may hawak ng kaso, nagkasa ng anti-criminality/Oplan Galugad ang mga tauhan ng Police Community Precinct (PCP-2) sa pangunguna ni P/Cpt. Oscar Pagulayan, sa Costal Mall, Bgy. Tambo sa Parañaque City, dakong 9:35 pm, nang nai-turnover ang nasabing kaso sa Station Investigation and Detective Management Section (SIDMS), bandang 1:30 am.
Wala nang nagawa sa awtoridad ang mga suspek nang mabisto sila sa pagsusugal ng cara y cruz at makuhaan ng tatlong maliliit na selyadong sachet na naglalaman ng shabu na may timbang na 0.8 gramo, nagkakahalaga ng P5,440, P120 cash na pusta, at tatlong P1 coin na ginamit na pangkara.
Dinala ang mga narekober na ebidensiya sa SPD Crime Laboratory para sa chemical analysis.
Nakakulong ang mga suspek sa custodial facility ng pulisya at nakatakdang sumailalim sa inquest proceedings sa Parañaque Prosecutor’s Office para sa kasong Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at PD 1602 (Anti-Gambling Law).
(JAJA GARCIA)