NASA crisis alert level 4 para sa mga Pinoy ang Iraq dahil sa matinding tensiyon matapos paslangin si Iranian general Qasem Soleimani, ito ang inihayag ng Department of Foreign Affairs (DFA) kaugnay sa drone strike ng bansang America nitong nakaraang linggo.
Sa ngayon ay nasa alert level 4 ang pinakamataas na travel advisories na inilabas ng DFA.
“Inatasan na po ng Pangulong Rodrigo Duterte ang iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan ng Filipinas, kasama na po ang Embahada sa Iraq para ilikas ang mga Filipino dito sa bansa,” ayon kay Philippine Chargè d’ Affairès Jomar Sadie na ini-post sa kanyang official Facebook account.
“Ang marching order sa amin ay mandatory repatriation,” dagdag ng DFA official.
Ang deklarasyon ng DFA ay matapos magpakawala ng rockets ang Iran sa Iraq Al Assad Airbase na pinangunahan ng America.
Iginiit ni Sadie sa Pinoy workers sa Iraq na kailangan aniyang makipag-ugnayan sa embahada para sa repatriation at iba pang kailangan ng tulong.
Aniya, ang exit visa at ticket ay sisiguruhin ng mga overseas Filipino workers (OFWs) mula sa kanilang mga employer, at kailanganng lagi nilang hawak ang kanilang pasaporte.
“Kung wala kayong employer at biktima ng human trafficking, tumawag po kayo sa amin para matulungan namin kayo o pumunta directly sa embassy,” panawagan ni Sadie.
Sakaling hindi pumayag ang employer ng Pinoy worker na umuwi sa Filipinas kailangang humingi agad ng tulong sa embahada.
“Kapag gusto ninyong umuwi at ayaw kayong pauwiin ng employer at hindi ninyo siya mapakiusapang mabuti, tawagan po ninyo kami at kami ang kakausap sa employer ninyo. Bago ninyo kami tawagan, kunin po ninyo ang number sa kaniya, mayroon naman po kaming translators dito,” pahayag ni Sadie.
Maaaring tumawag sa mga numero ng Philippine Embassy at 07816066822 (Jom); 07516167838 (Jerome); 07518764665 (Jobbi); at 07508105240 (Richard).
Bukod dito, maaari rin makipag-ugnayan sa mga opisyal ng embahada sa pamamagitan ng [email protected], embaphilbaghdad.[email protected] at official Facebook page.
Nanawagan din ang DFA sa mga Pinoy worker sa Saudi Arabia na maging alerto at laging makipag-ugnayan para sa kailangang tulong mula sa Philippine envoys dahil sa matinding tension sa Middle East.
Maaari aniyang makipag-ugnayan ang lahat ng Pinoy na nasa Saudi Arabia para sa kinakailangang assistance sa pamamagitan ng mga numerong ito landline number – 011-480-1918, hotline number 056 989 3301. (JAJA GARCIA)