IPINAGMAMALAKING tinanggap ni Mayor Oscar “Oca” Malapitan ang ika-limang Seal of Good Local Governance (SGLG) Award.
Ito ay matapos kilalanin ng Department of the Interior and Local Government (DILG) sa panglimang sunod-sunod na taon (2015-2019) ang lungsod ng Caloocan sa ilalim ng pamamahala ni Mayor Oca bilang SGLG Awardee.
Kasamang tumanggap ni Mayor Oca ng prestihiyosong pagkilala sina Rep. Along Malapitan, DILG Caloocan Director Marco Cabueños at iba pang opisyal ng lungsod.
Ang SGLG ay pinakamataas na parangal na iginagawad ng DILG sa mga lokal na pamahalaang nagpamalas ng kahusayan at katapatan sa iba’t ibang aspekto ng serbisyo publiko tulad ng social protection, financial administration, disaster preparedness, peace and order at iba pa.
Kabilang ang Caloocan sa tanging dalawang lungsod sa buong National Capital Region na nakakuha ng sunod-sunod na parangal mula 2015 hanggang 2019.
“Nagpapasalamat ako sa suporta at kooperasyon ng bawat mamamayan ng Caloocan upang muling makamit ang pagkilalang ito,” ani Mayor Oca.
“Nagpapasalamat din ako sa lahat ng kawani ng pamahalaang lungsod na nagsikap upang makamit ang parangal sa pamumuno ng kanilang masisipag na department head tulad ni Engr. Aurora Ciego, Engr. Jay Bernardo, Dr. James Lao, Engr. Noemi Obinia, Hilario Castro at iba pa.
“Ang parangal na ito ay sumasalamin sa ating tapat at maayos na pamamahala sa lungsod. Asahan ninyo na patuloy ang ating pagganap sa ating tungkulin upang hanggang matapos ang aking huling termino ay makakuha tayo ng ganitong parangal at patuloy na maiangat ang lungsod ng Caloocan,” dagdag ni Mayor Oca. (JUN DAVID/ROMMEL SALES)