Binigyan ng pagkilala ang pamahalaang lungsod ng Navotas sa mahusay nitong serbisyong pangkalusugan.
Nakatanggap ang Navotas City Hospital (NCH) ng pagkilala mula sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) sa pagiging “Strong Partner in Health Service Delivery.”
Tinanggap ni NCH director Dr. Christia Padolina, kasama sina Dr. Spica Mendoza-Acoba at Dr. Liberty Domingo, ang nasabing award sa LGU Executive Forum and Recognition ng PhilHealth Regional Office.
“Hatid ng award na ito ay karangalan sa ating lungsod. Pinapatunayan din nito ang ating pagsisikap na maibigay ang pinakamahusay na serbisyo publiko sa ating mga kapwa Navoteño,” saad ni Mayor Toby Tiangco.
“Maging inspirasyon sana natin ito para magsikap na patuloy na paunlarin ang uri ng serbisyong ating ibinibigay at mag-isip ng iba pang paraan para matulungan ang ating mamamayan, lalo ang mga hirap sa buhay,” dagdag niya.
Napili ang Navotas batay sa tuloy-tuloy at progresibong inisyatibong pangkalusugan.
Binanggit ng PhilHealth na noong 2005, sa ilalim ng pamumuno ni Tiangco, na-enroll ng Navotas ang 2,000 pamilyang Navoteño sa National Health Insurance Program (NHIP).
Sa parehong taon, naipamigay sa mga pamilya ang Navotas Hospitalization Program (NHP) card na may lamang P5,000 na maaari nilang gamitin sa Tondo General Hospital.
Noong 2011, tinaasan ng Navotas ang hospitalization subsidy nito sa P25,000 at mas dumami ang mga partner hospital tulad ng Dr. Jose Reyes Memorial Medical Center, Metropolitan Medical Center, at Valenzuela Medical Center.
Noong 2015, binuksan ang NCH na may 50-bed capacity at serbisyong tulad ng internal medicine, pediatrics, obstetrics and gynecology, surgery, ophthalmology at iba pa.
Nagsimula rin gumamit ng electronic medical records (EMR) at No Balance Billing scheme noong 2018.
Sa parehong taon, sinimulan ng lungsod ang pagpapagawa ng NCH extension na magdodoble ng bed capacity ng ospital mula 50 hanggang 100.
Noong 2018 binisita at pinuri ni Department of Health Secretary Francisco Duque III ang NCH dahil sa de-kalidad na mga pasilidad nito.
Dagdag pa rito, kinilala ng PhilHealth ang patuloy na pagsisikap ng Navotas na maparami ang mga health center na tutugon sa mga pangangailangang medikal at pangkalusugan ng mamamayan.
Binanggit din niya na ngayong taon, binuksan ng lungsod ang ika-25 Malasakit Center sa NCH at ang Navotas Wellness and Medical Center.
“Bahagi ito ng pangako naming ibigay sa mga Navoteño ang pinakamagandang serbis-yong nararapat nilang matanggap. Hangad namin sa pamamagitan nito, matutulungan namin silang mapaangat ang kanilang buhay,” ani Tiangco.
(JUN DAVID)