MULING nalagay sa kontrobersiya ang pamunuan ng Philippine National Police (PNP) makaraang masangkot ang 16 pulis na nagbabantay sa New Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa City dahil sa pagpupuslit ng ilegal na kontrabando para ibenta sa mga bilanggo kapalit ng ganansiyang ‘tubong-lugaw.’
Kaugnay nito, agad inalis sa puwesto ang mga nahuling pulis na nakatalaga sa pambansang piitan ng bagong itinalagang si P/BGen. Debold Sinas, hepe ng National Regional Police Office (NCRPO) at inilipat sa NCRPO Regional Holding and Accounting sa Bicutan, Taguig City.
Hindi muna ibinunyag ni Sinas ang mga pangalan ng pulis habang sumasailalim sa imbestigasyon.
Ang nasabing mga pulis ay nakatalaga sa NCRPO sa Regional Mobile Force Company at ilan lamang sa puwersang ipinadala sa NBP upang maging bantay para linisin ang matagal nang nagaganap na ilegal na aktibidad tulad ng pangangalakal ng droga sa piitan.
Ngunit sa kalaunan, sila naman ang naging pasimuno ng pagbebebenta ng sin commodities gaya ng sigarilyo at alak na pinagtutubuan nila nang malaki sa puhunang kakarampot.
Nabatid na ang mga pulis na sinasabing nahulihan ng alak, gadgets at sigarilyo o tobacco leaves sa NBP ay iniimbestigahan ngayon ng Regional Investigation and Detective Management Division (RIDMD).
Nabatid sa isang source sa NBP, ang isang kaha ng sigarilyo depende sa brand ay naibebenta sa parokyanong big time na preso mula sa halagang P500, habang ang mumurahing alak naman ay naibebenta ng P1,000 pataas ang halaga.
Bagamat mahigpit itong ipinagbabawal sa piitan, naeenganyo ang ilang tiwaling awtoridad maging prison guard dahil sa kaunting puhunan ay malaki ang kinikita nila na tila tubong-lugaw sa ipinupuslit sa kontrabando sa piitan.
(MANNY ALCALA)