ANG Pamahalaang Lungsod ng Navotas, sa ilalim ng pamamahala ni Mayor Toby Tiangco, ay nakapagbigay ng trabaho at iba’t ibang tulong pangkabuhayan sa higit 7,000 Navoteño.
Mula Hulyo hanggang Setyembre 2019, 4,379 residente ang nagkaroon ng hanapbuhay mula sa pamahalaang lungsod.
Kabilang ang 3,000 benepisaryo ng cash for work; 1,237 Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD), 40 government interns, at 102 aplikante sa job fair.
Nagsagawa rin ang lungsod ng mga seminar para magkaroon ang mga Navoteño ng kaalaman kung paano magsimula ng negosyo.
Kasama rito ang limang NegoSerye, apat na Hanapbuhay Caravan, tatlong barangay skills training, apat na Department of Trade and Industry-Negosyo Center seminar, at ang taunang Youth Entrepreneurship Summit.
Umabot sa 1,759 residente ang lumahok sa nasabing mga pagsasanay.
Nagkaroon din ang Navotas ng karagdagang skilled workers sa pagtatapos ng 305 estudyante ng Navotas Vocational Training and Assessment (NAVOTAAS) Institute.
Bukod sa mga trabaho at pagsasanay, naghandog din ang Navotas ng iba-ibang tulong pangkabuhayan.
Isandaang benepisaryo ng NavoBangka-buhayan program ang nabigyan ng lungsod ng 50 fiberglass bangka na may kasamang 18hp makina at kompletong mga lambat at iba pang kagamitan.
Dagdag dito, 414 rehistradong mangingisda ang nakatanggap ng iba-ibang klase ng lambat.
Umabot sa P595,000 ang ipinamahagi ng lungsod sa 18 bago at 44 lumang aplikante sa Tulong Puhunan program, kasama ang mga tricycle drivers at may-ari ng sari-sari store.
Kasama ang ibang ahensiya ng gobyerno, namigay ang Navotas ng tulong pangkabuhayan sa mga kalipikadong benepisaryo.
Animnapu ang nakatanggap ng P10,000 halaga ng groceries para sa sari-sari store mula sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) sa pamamagitan ng OWWA Balik-Pinas, Balik Hanapbuhay Program. Labindalawa naman ang nakatanggap ng kapital para sa sari-sari store mula sa Department of Labor and Employment. Tatlo ang nagkaroon ng tulong pangkabuhayan na nagkakahalagang P5,000 mula sa pondo ng Department of Social Welfare and Development–National Capital Region.
“Nagsisikap ang pamahalaang lungsod na makapagbigay ng disenteng trabaho at oportunidad pangkabuhayan sa mga Navoteño. Hangad namin na makagawa pa ng mga programa at serbisyong tutulong sa aming mamamayan para magkaroon sila ng makabuluhang trabaho at sustenableng pagkakakitaan,” ani Tiangco. (JUN DAVID)