NAG-INSPEKSIYON ang pamahalaang lungsod ng Caloocan sa Trans-Asia Philippines Manufacturing Industries Corporation dahil sa pagkakaospital ng ilang mga empleyado nito matapos makalanghap ng kemikal.
Kaagad ipinag-utos ni Mayor Oca Malapitan ang pagsasagawa ng personal na inspeksiyon sa kompanya para sa kaligtasan ng mga residente at kawani nito.
Ayon kay Dr. James Lao, City Disaster Risk Reduction and Management Office head, hinihintay ang resulta kung anong kemikal ang nalanghap ng mga empleyado ng kompanya.
Sa kasalukuyan, nakalabas na ang siyam na empleyado na dinala sa ospital matapos ang medical check-up, maging ang isang na-admit. Samantala, ang isa ay nagpapagaling pa rin.
Aaksiyon ang pamahalaang lungsod at ang Department of Labor and Employment (DOLE) batay sa resulta ng isinasagawang imbestigasyon. (JUN DAVID)