MALAMLAM at hindi ririkit ang mga bituin sa kinagigiliwang amusement park ngayong Pasko matapos tupukin ng naglalagablab na apoy sa 14-oras na sunog ang Star City na nasa Roxas Blvd., Pasay City, na nagsimula kahapon ng madaling araw.
Sa mga unang ulat, sinabing ang sunog ay nagsimula sa Snow World ng paboritong amusement park ng mga bata kasama ang kanilang pamilya, ngunit kalaunan ay itinuwid ng mga imbestigador na ang apoy ay nagsimula umano sa bodega ng stuffed toys.
Tinataya ng mga awtoridad na aabot sa P15 milyon ang pinsala ngunit ayon kay Star City spokesperson Ed de Leon, natupok ang lahat ng indoor rides kaya maaaring ang pinsala ay umabot sa P1 bilyon.
Ayon kay Rudolph Steve Juralbal, vice president for legal affairs ng Elizalde Group of Companies nagmamay-ari sa Star City, hindi pa nila matataya kung gaano kalawak ang pinsala dahil hindi pa sila pinapayagan pumasok sa loob.
Sa ulat ni Pasay City Fire Marshall Supt. Paul Pili, dakong 12:22 am nang sumiklab ang apoy sa stockroom ng stuffed toys at mga papremyo na agad kumalat sa ibang bahagi ng gusali ng Star City.
Sa laki ng sunog kumapal ang usok at makalipas ang dalawang oras, agad itinaas sa Task Force Bravo ang alarma.
Agad nakapagresponde ang mga pamatay sunog na umabot sa 70 trucks ng bombero ang nagmula sa iba’t ibang panig ng Metro Manila.
Ideneklarang fire under control dakong 6:55 am habang patuloy sa pagbomba ng tubig para tuluyang mapatay ang apoy.
Dakong 2:02 pm, nang ganap na maapula ang sunog, ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP).
Ipinagtataka ng mga pamatay sunog kung bakit sabay-sabay nasunog ang iba’t ibang bahagi ng Star City.
Posible umanong arson o problema umano sa koryente ang dahilan ng sunog.
Ngunit agad ‘pinatay’ ni Juralbal ang sapantahang ‘arson’ dahil sila man ay nagulat sa pagsulpot ng nasabing anggulo.
“We have no reason to believe why arson would take place because we don’t know any group of person who would have motive to do so,” ani Juralbal sa panayam.
Dahil sa sunog, bumagsak ang bubungan ng Snow World attraction at nasira rin ang Star Theatre.
Nadamay sa sunog ang radio & television network ng Manila Broadcasting Company (MBC) at ang pag-aari ng DZRH na Love Radio.
Tuloy ang operasyon ng mga himpilan ng radyo na may pangalawang tanggapan sa Twin Tower sa likod ng Megamall, Ortigas Pasig City.
Sa Twitter post na ipinakita ni ballet dancer Lisa Macuja, asawa ng may-aring si Fred Elizalde ng Star City, sinabi niyang nanganganib na mamatay ang Star City.
Idineklara ng pamunuan na walang operasyon ang Star City ngayong Christmas season.
nina MANNY ALCALA/JAJA GARCIA
PALASYO NAKIRAMAY
SA STAR CITY, MBC
IKINALUNGKOT ng Palasyo ang ang naganap na sumog sa Star City at tanggapan ng Manila Broadcasting Company kahapon ng umaga sa Pasay City.
“As we near Christmas, this is truly sad news knowing that Star City is a place where Filipino families visit to celebrate the Yuletide season. To our friends in the media who are affected, we wish to let them know that we are one with them in this tragic incident,” ani Presidential Spokesman Salvador Panelo.
Nanawagan si Panelo sa mga ahensiya ng gobyerno na tulungan ang mga naapektohan ng sunog.
(ROSE NOVENARIO)