INAMIN ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III na nasa kamay ni Pangulong Rodrigo Duterte ang transcript ng naganap na executive session kung saan nakaulat ang lahat ng impormasyon at testimonya na inihayag ni dating CIDG chief at kasalukuyang Baguio City Mayor Benjamin Magalong hinggil sa ninja cops o mga pulis at opisyal ng Philippine National Police (PNP) na sangkot sa ilegal na droga.
Ayon kay Sotto, ibinigay ni Senador Richard Gordon, Chairman ng Senate committee on justice sa Pangulo ang kopya ng buong transcript matapos ihayag ni Senador Christopher “Bong” Go ang pagnanais ng Pangulo na malaman ang mga nasabing pangalan.
Ipinauubaya ni Sotto sa Pangulo kung kanyang isasapubliko ang mga pangalan o hindi at kung anong hakbangin ang kanyang gagawin.
Bukod dito, ibinunyag ni Sotto na nagkasundo na rin ang mayorya ng mga senador na binibigyan nila ng kapangyarihan si Gordon kung kanyang isasapubliko ang pangalan o hindi.
Ngunit sinabi ni Sotto, bahagi ng kanilang tungkulin, in aid of legislation, na mangalap ng mga impormasyon at mga datos para sa pagbuo ng batas.
Binigyang-linaw ni Sotto, wala rin lalabaging batas o pananagutan si Pangulong Duterte at si Gordon sa sandaling ibunyag nila ang mga pangalan na natalakay sa isang executive session.
(NIÑO ACLAN)