IBINUNYAG ni Senador Panfilo “Ping” Lacson na bukod sa P100 milyong alokasyon sa bawat kongresista ay makatatanggap ng karagdagang P1.5 bilyong pondo ang nasa 22 deputy speakers sa Mababang Kapulungan ng Kongreso.
Ayon kay Lacson, mismong sa isang kapwa niya mambabatas nakuha ang naturang impormasyon.
Sinabi ni Lacson, bukod dito ang umano’y tig-P700 milyon na matatanggap ng lahat ng miyembro ng mababang kapulungan.
Sa kasalukuyan ay nasa 300 mambabatas ang miyembro ng mababang kapulungan at kung makatatanggap ng P54 bilyon ay maituturing na pork.
Umaasa si Lacson na hindi ito matutuloy o mangyayari dahil labis-labis ito para sa mga kongresista.
Kaugnay nito, sinabi ni Senador Christopher “Bong” Go, anomang “pork” ay hindi maganda para sa isang mambabatas na halal na katulad niya.
Biro ni Go, ayaw niyang magkasakit lalo na’t may usapin ng African Swine Flu (ASF) at ayaw niya sa cholesterol.
Samantala buo ang paniniwala ni Senate President Tito Sotto III na hindi mauulit ang re-enacted budget para sa susunod na taon.
Sa kabila ng isyu sa mababang kapulungan at pork ay hindi nila papayagan sa senado ang mga hadlang para mapagtagumpayan ang mabilisang pagpasa nito.
(NIÑO ACLAN)