PINURI ni Mayor Toby Tiangco ang Navotas City Police Station matapos maaresto ang 23 indibiduwal na nahulihan ng ilegal na droga.
Nakakompiska ng 31 plastic sachet ng shabu at P500 marked money ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa isinagawang dalawang buy bust at apat na magkakaibang surveillance operation.
“Masuwerte ang Navotas sa pagkakaroon ng masisipag na mga pulis. Ang dedikasyon nila sa trabaho, sa kabila ng panganib na kaakibat nito, ay nakatutulong upang masiguro natin na mananalo tayo sa ating laban kontra ilegal na droga,” pahayag ng alkalde.
Gayonman, sinabi ni Tiangco, ang pagpapanatili ng kaligtasan sa Navotas ay responsibilidad ng bawat Navoteño.
“Bawat isa sa atin ay may papel na dapat gampanan para tuluyang masugpo ang ilegal na droga. Sa pamamagitan ng pagre-report ng mga ilegal na aktibidad, makatutulong kayo upang maipakulong natin ang mga personalidad na sangkot sa droga, at matulungang magbago iyong mga nalulong sa paggamit nito,” aniya.
Ang Navotas ay may pasilidad na Text JRT (JohnRey oR Toby) na tumatanggap ng mga tugon, reklamo o report mula sa mga residente. Ang mga mensahe ay maaaring ipadala sa mga numero ng Text JRT na 0915-2601385 para sa Globe, 0908-8868578 para sa Smart, at 0922-8888578 para sa Sun.
Walong barangay sa Navotas ang naideklarang drug-cleared ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA). Kabilang dito ang North Bay Boulevard South (NBBS) Dagat-dagatan, NBBS Proper at NBBS Kaunlaran, Navotas East at Navotas West, Tanza I at Tanza II, at San Rafael Village.
Ang lungsod ay mayroong Bidahan, isang community-based treatment and rehabilitation program para sa mga gumagamit ng ilegal na droga na gusto nang magbago.
Simula nang maitatag ang Bidahan noong Oktubre 2016, nagkaroon ng 21 batch na may 592 kalahok.
Sa bilang na ito, 108 ang nakakompleto sa anim na buwang counselling at 10 ang nakatapos ng 18-buwan aftercare treatment.
(JUN DAVID)