ISINIWALAT ni dating Bureau of Corrections (BuCor) OIC Rafael Ragos na talagang matindi ang mga raket sa loob ng New Bilibid Prison (NBP).
Magugunitang pinamunuan ni Ragos ang BuCor noong panahon ng Aquino administration na ang kanyang boss ay si dating Senador Leila de Lima.
Ilan sa mga tinukoy ni Ragos na source ng pera sa bilibid ng mga opisyal ng Bureau ang suhol mula sa mga sugalan, pagpasok ng pagkain, kidnap for ransom, at pagpasok ng mga babae para sa high profile inmates.
Dito ay umaabot umano sa P30,000 ang bayad para sa isang babae upang mag-perform at iba pang gawain.
Nabanggit bilang example ang grupo ng “Mocha Girls” na isa raw sa mga pinapasok sa national penitentiary noong mga nakalipas na panahon.
Lumalabas na P300,000 ang minimum na natatanggap ng BuCor official kada linggo at iba pa ang pasalubong kapag may bagong natatalagang pinuno, habang P5 milyon para sa special deals.
(NIÑO ACLAN)