KASAKULUYANG nakapiit sa isang silid sa gusali ng Senado ang tatlong Bureau of Corrections (BuCor) officials matapos maramdaman ng mga senador na nagsisinungaling o hindi nagsasabi ng totoo ang tatlo.
Kabilang sa mga officials sina Atty. Fredric Anthony Santos, ang hepe ng Legal Division ng BuCor; Ramoncito Roque, pinuno ng Documents and Records Section; at Dr. Ursicio Cenas ng National Bilibid Prison (NBP) Hospital.
Kahit sinabi ng tatlo na sila ay nagsasabi nang totoo ay hindi nakombinsi ang mga senador kaya iniutos sa tanaggapan ng Sergeant-at-Arms na ikulong pagkatapos ng pagdinig.
Naniniwala si Senador Richard Gordon na mayroong itinatago at pinoprotektahan ang tatlo kaya’t patuloy ang kanilang pagtatago sa kakatohanan.
Tiniyak ni Gordon, makalalaya ang tatlo kung tuluyang matatanggap ng mga senador ang kanilang mga kasagutan sa susunod na pagdinig.
(NIÑO ACLAN)