ISANG mangingisdang Navoteño ang nakakuha ng insurance benefit mula sa pamahalaan matapos mawalan ng bangka sa sunog sa Brgy. North Bay Boulevard North nitong taon.
Natanggap ni Benjamin Driguerro nitong Lunes ang tsekeng nagkakahalaga ng P13,000 mula kay Mayor Toby Tiangco at Aida Cristina Castro, Business Development and Marketing Specialist ng Philippine Crop Insurance Corporation (PCIC).
Siya ang pinakaunang rehistradong mangingisda sa Navotas na nakatanggap ng nasabing insurance mula sa PCIC.
“Isa ito sa mga rason kung bakit kailangan magparehistro ang ating mga mangingisda sa ilalim ng Registry System for Basic Sectors in Agriculture. Bilang rehistradong miyembro, maaari silang makakuha ng insurance kapag nasira ang kanilang mga bangka o iba pang gamit kapag may kalamidad,” ani Tiangco.
“Maaari rin makabenepisyo ang mga rehistradong mangingisdang Navoteño sa NavoBangka and fish nets program ng pamahalaang lungsod,” dagdag niya.
Ang PCIC insurance ay libre at sakop nito ang rice crops, corn crops, high-value crops, livestock, fisheries at non-crop agricultural assets.
Maaaring makipag-ugnayan ang mga mangingisdang nais mag-apply ng insurance sa City Agriculture Office sa 281-8531 local 112.
(JUN DAVID)