NAARESTO ng mga operatiba ng Taguig police at Philippine Drugs Enforcement Agency (PDEA) ang isang lalaking negosyante na hinihinalang miyembro ng sindikato.
Nakompiska ang aabot sa P8.5 milyong halaga ng party drugs sa isang five-star hotel sa naturang lungsod kamakalawa.
Kinilala ng pulisya ang suspek na si Domingo Tanyao Uy Jr., 44, Filipino Chinese, negosyante, may address na 2803 Balete Drive, Andres North Condominium, Quezon, City pero nanunuluyan sa Shangrila Hotel sa BGC, Taguig City.
Nauna rito, nakatanggap ng impormasyon ang pulisya buhat sa security personnel ng nasabing hotel tungkol sa ilegal umanong gawain ni Uy kaya naglunsad ng operasyon ang magkasanib na puwersa ng Taguig police at PDEA.
Nang arestohin si Uy sa kanyang condo unit nakompiska sa kanyang pangangalaga ang anim na transparent sachets na may 4,038 piraso ng ecstacy na tinatayang P6,864,600 ang halaga.
Nakompiska rin sa kanya ang 22 transparent plastic bags na naglalaman ng MOL 350 grams ng cocaine na nagkakahalaga ng P1,855,000 at tatlong piraso ng vacuum sealed plastic bag na may lamang MOL 103 grams, tinatayang nagkakahalaga ng P 51,500.
Bukod sa tatlong piraso ng transparent bottle na may lamang yellow liquid na umano’y droga, iba’t ibang dokumento at P720,346 cash din ang natagpuan say unit ni Uy.
Ipaghaharap si Uy ng kaso dahil sa paglabag sa Sec. II Art. II of R.A. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act.
Ayon kay NCRPO Director P/Maj.Gen. Guillermo Eleazar, tinawag na “lucky break” o natsambahan ang nasabing insidente dahil wala umano sa radar ng NCRPO ang suspek na si Uy.
ni MANNY ALCALA
(May kasamang ulat ni JAJA GARCIA)