APATNAPUNG estudyanteng Navoteño ang nakatanggap ng scholarship mula sa pamahalaang lungsod ng Navotas matapos mapirmahan ang memorandum of agreement para sa NavotaAs scholarship para sa school year 2019-2020.
Sa bilang na ito, 34 ay NavotaAs academic scholars at anim ay mga benepisaryo ng Ulirang Pamilyang Mangingisda Scholarship.
“Ang edukasyon ay nagbubukas ng oportunidad para magtagumpay ang isang tao. Hangad namin na mabigyan ang ating mga kabataan ng de-kalidad na edukasyon para maging handa silang harapin ang mga hamon sa buhay at magtagumpay sila sa larangang kanilang pipiliin,” ani Mayor John Rey Tiangco.
Kasama sa batch ng academic scholars ngayong taon ang 15 incoming high school freshmen, 12 incoming freshmen ng Navotas Polytechnic College (NPC), isang incoming freshman sa kolehiyo o unibersidad na kaniyang pipiliin, at anim na mga guro na nais magkaroon ng mas mataas na edukasyon.
Samantala, lahat ng mga fisherfolk scholars ay incoming college freshmen.
Nagbibigay ang pamahalaang lungsod sa high school scholars ng P18,000 para sa kanilang mga aklat, pasahe at pagkain.
Umaabot sa P22,000 ang nakukuha ng NPC scholars para sa kanilang tuition, mga aklat, pasahe at pagkain. P262,000 naman ang ibinibigay sa scholars sa ibang kolehiyo o unibersidad.
Samantala, nakatatanggap ng P75,000 ang mga teacher scholars bilang panustos sa kanilang tuition, mga aklat, pasahe at pagkain, at para sa research.
Sa kabilang banda, ang mga fisherfolk scholars ay nakatatanggap ng P16,500 para sa transportation at food allowance at P1,500 book stipend bawat academic year.
Bukod sa academic scholarship, may scholarship din ang pamahalaang lungsod para sa mga estudyanteng magaling sa sports at sa sining.
Simula nang isakatuparan ang NavotaAs Scholarship Program noong 2011, umabot na sa 777 Navoteños ang napag-aral ng pamahalaang lungsod. Sa bilang na ito, 325 ang academic scholars, 422 ang athletic scholars, 19 ang art scholars, at 11 ang Ulirang Pamilyang Mangingisda scholars. (JUN DAVID)