TAHASANG sinabi ni Senadora Grace Poe na palpak pa rin ang serbisyong ipinagkakaloob ng Department of Transportation (DOTr) sa mga pasahero kung kaya’t disgrasya hindi mabilis na pagdating sa patutunguhan ang sinapit ng mga pasahero ng LRT-2 sa Anonas Station.
Ayon kay Poe, imbes ang tamang tren ang paandarin at patakbuhin sa mga riles ng train ay yaong mga hindi angkop sa kasalukuyang disenyo ng mga riles ng tren.
Buong akala ni Poe, naayos na ng DoTr ang kanilang serbisyo sa mga mananankay lalo na’t ilang beses na silang nagsagawa ng pagdinig ukol dito at tinawag ang atensiyon ng ahensiya ngunit wala pa rin palang naging saysay.
”Ang mga dapat umandar, hindi umaandar. ‘Yung mga hindi naman dapat umandar, umaandar. Talagang ‘wag nating isugal ang buhay ng ating mga pasahero. Mabuti na lang gano’n lang at walang nabawian ng buhay pero siguro isang bagay na talagang dapat tutukan talaga natin — ng DOTr — ‘wag nilang makakaligtaan ang mga transportasyon na nariyan na dahil sa rami ng ibang inaasikaso rin nila,” ani Poe sa isang panayam.
Umaasa si Poe na dahil sa insidenteng ito ay matututo na ang DoTr at aaayusin ang susunod na serbisyo upang wala nang masaktan pang mga mananakay.
“Parang hindi nila nagagawa ang lahat ng dapat nilang gawin — I mean, kaya nga, bago tayo siguro manisi, tingnan natin, ano ba talaga ang teknikal na pagkakamali roon ng LRT kasi mabuti na lang, akalain mo nga hindi umaandar ang umandar, at ‘yung mga nakikita natin na dapat na umusad na, hanggang ngayon ‘yung sinasabi nilang Dalian train, ilan lang ba ang napagana nila, isa, dalawa doon sa dapat na 16 yata na umaandar,” dagdag ni Poe.
(NIÑO ACLAN)