INILINAW ni Senate Committee on Agriculture and reelectionist senator Cynthia Villar, walang dahilan upang mawalan ng trabaho o magtanggal ng ilang empleyeado ang National Food Authority (NFA) sa pagpapatupad ng Rice Tariffication Law.
Ayon kay Villar, hindi nabawasan o tinapyasan ang panukalang budget ng NFA sa naaprobahang 2019 General Appropriations Act (GAA) nang sa ganoon ay maipagpatuloy ng ahensiya ang iba pa nilang trabaho at mapasuweldo nang tama at sapat ang lahat ng kanilang mga kawani.
Iginiit ni Villar, tanging nawala o nabawas sa trabaho ng NFA ang pag-aangakat ng bigas mula sa ibang bansa.
Ngunit sinabi ni Villar na mayroong P10 bilyong pondo ang NFA para makagawa ng kanilang alternatibong gawain ito ang pagbili ng mga palay ng mga magsasaka para makabili pa rin ng murang bigas ang mga mamamayan.
Sinabi ni Villar, kung talagang gagawin ng NFA ang kanilang tungkulin sa kasalukuyan ay muling makabibili ng mga murang bigas sa merkado ang mga mamamayan gaya ng nabibiling bigas dati na imported rice.
Sa kasalukuyan, bumaba nang halos P5 ang presyo ng commercial rice sa merkado kompara sa mga nakalipas na buwan.
Binigyang-diin ni Villar na hindi puwedeng isantabi ang rice tariffication law dahil kung hindi ito naging batas ay tiyak magmumulta ang Filipinas lalo na’t pumasok sa kasunduan sa ibang mga bansa. (NIÑO ACLAN)